ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

4 patay, 1 nawawala: ‘Isang’ nakalabas na sa RP


MANILA - Apat na tao ang nasawi, habang isa pa ang nawawala sa pananalasa ng bagyong si ‘Isang’ sa Pilipinas. Kinilala ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) ang dalawa sa mga nasawi na sina Joemar Ligar, 13-anyos, ng North Barangay 160 sa Caloocan City at Lomer Fernando, 32, ng Barangay 12, Palpalicong, Batac, Ilocos Norte. Sinabing si Ligar ay nalunod nang umapaw ang Tullahan River, habang nasawi dahil sa pagkakakuryente si Fernando. Sa ulat ng QTV news Balitanghali nitong Sabado, sinabing isang sanggol din sa La Paz, Iloilo ang nasawi nang mahulog ito sa kama at malunod sa hanggang tuhod na baha sa loob ng kanilang bahay. Nakita na rin umano ang mga labi ni Arnold Julian, 9-anyos, na sinasabing nahulog sa imburnal nitong Biyernes sa lalawigan ng San Mateo, Rizal habang kasagsagan ng ulan.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Patuloy namang hinahanap ang 22-anyos na si Jonathan Hormeneta na nahulog sa tulay sa Imus, Cavite. Sa talaan ng NDCC, umabot sa 94,856 tao o 25,555 pamilya ang inilikas sa kanilang mga bahay sa Ilocos region, Southern Luzon at Metro Manila dahil sa peligrong idinulot ng ulan ni “Isang." Limang bahay naman sa Buntong Palay, San Mateo, Rizal ang nawasak sa naganap na pagguho ng lupa at tatlong bahay pa ang napinsala. Ayon kay Nathaniel Cruz, tagapagsalita ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration’s (Pagasa), wala na sa area of responsibility si “Isang." Ang sentro ng bagyo ay tinatayang nasa layong 390 km kanluran ng hilagangkanluran ng Basco, Batanes. Sa kabila nito, nagbabala si Cruz sa publiko na asahan pa rin ang pagbuhos ng ulan lalo na sa Luzon dulot ng hanging habagat. Pinayuhan din ang mga magtutungo sa dagat, lalo na ang mga maliliit na mangingisda na mag-ingat dahil sa posibleng malakas na pag-alon sa karagatan lalo na sa Luzon.- GMANews.TV