ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

10 OFWs nasawi sa Afghanistan


MANILA – Inihayag ng Department of Foreign Affairs nitong Martes ang pagkamatay ng sampung overseas Filipino workers sa Afghanistan nang bumagsak ang helicopter na kanilang sinasakyan. Ang 10 OFWs ay kabilang sa 16 na pasahero na pawang nasawi noong Linggo nang bumagsak ang sasakyan nilang Mi-8 helicopter ilang minuto matapos mag-takeoff sa tarmac ng Kandahar Air Base na pinamamahalaan ng NATO. Sinabi ni Foreign Affairs Undersecretary Esteban Conejos sa Associated Press na dumating na sa kapitolyo ng Afghanistan ang diplomatic officials ng Pilipinas na nagmula sa kalapit na bansa sa Pakistan. Kabilang ang Afghanistan sa mga bansa kung saan pinaiiral ng Pilipinas ang “deployment" ban ng mga manggagawa ngunit marami pa ring Pinoy ang nakapupuslit para magtrabaho. Ayon kay Carmelita Dimzon, pinuno ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), ang mga nasawing Pinoy ay ilang taon ng nagtatrabaho sa NATO at hindi na umuwi ng Pilipinas dahil sa pangambang hindi na sila makabalik sa Afghanistan dahil sa pinaiiral na travel ban. Sa panayam ng GMANews.TV, sinabi ni Dimzon na hindi muna nila ihahayag ang pangalan ng mga nasawi hangga’t hindi muna nasasabihan ang kanilang mga pamilya at nakukumpirma. “Delikado eh, mamaya mag-release tayo ng name, hindi naman pala sila ‘yun," ayon sa opisyal. Ipinaliwanag ni Dimzon na nakuha nila sa isang source sa Afghanistan ang pangalan ng mga nasawi sa aksidente. Marami umano sa mga pangalan ang nagtugma sa listahan ng DFA at Philippine Overseas Employment Administration (POEA). Gayunman, sinabi nito na ang listahan ng OWWA sa mga OFW na ipinadala sa Afghanistan ay hanggang 2006 lamang at hindi na umabot sa 2007 kung kailan ipinatupad ang ‘ban.’ Nagpadala na rin ang ahensiya ng kinatawan sa mga pamilya ng pinapaniwalaang OFW na nasawi para maberipika ang kanilang katauhan. Bukod sa Afghanistan, umiiral din ang travel ban sa Iraq, Lebanon at Nigeria. - GMANews.TV, AP