ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Panlilio handang suportahan ni Mikey


MANILA – Kasunod ng panawagan ni Pampanga Gov. Eddie Panlilio sa kanyang mga “Kabalen" na suportahan ang kanyang planong pagtakbong pangulo sa May 2010 elections, inihayag ni Presidential son at Pampanga Rep. Juan Miguel "Mikey" Arroyo na handa siyang magbigay ng tulong sa kampanya ng kanyang kababayan. Sa panayam ng GMANews.TV nitong Miyerkules, sinabi ni Arroyo na kung hihingin ni Panlilio ang kanyang suporta, tutulungan niya ito hangga’t wala pang napipiling pambato sa 2010 presidential elections ang partido ng administrasyon na Lakas-Kampi-CMD. "As long as my political party hasn't ordered me to campaign for a different individual, I can offer my services to Gov. Panlilio in whatever capacity I can," pahayag ng kongresista. Sinabi ni Arroyo na maaari niyang tulungan si Panlilio sa "logistics," at puwede rin niyang kausapin ang mga negosyanteng Pampangueño sa buong bansa upang suportahan ang kanyang planong pagtakbong pangulo sa 2010. Gayunman, duda si Arroyo kung hihingi ng tulong sa kanya si Panlilio na minsan na ring nag-akusa sa kanya na sangkot sa operasyon ng illegal number game na jueteng sa Pampanga. Ngunit nanindigan si Arroyo na sinsero siya sa alok na tumulong kay Panlilio na kasalukuyang naka-bakasyon bilang alagad ng Simbahang Katoliko. Idinagdag ng kongresista na mas malaki ang tiyansa ni Panlilio na manalong pangulo kaysa muling tumakbong gobernador sa lalawigan dahil nagbitiw na umano ng suporta ang ilang tumulong sa kanya na manalo noong 2007 elections. Sinabi pa ng presidential son na dapat ituloy ni Panlilio ang kanyang planong tumakbong pangulo kung talagang seryoso ito na magsilbi sa bansa. Una rito, sinabi ni Arroyo, nasa ikalawang termino bilang kongresista sa ikalawang distrito ng Pampanga, na hinikayat siya ng mga lider ng Simbahan sa lalawigan na tumakbong gobernador kapalit ni Panlilio na tinawag umanong "non-performing asset."
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ngunit kung ang kapwa Kapampangan na si Bayan Muna Rep. Satur Ocampo ang tatanungin, mas makabubuting tumakbo na lamang muli bilang gobernador si Panlilio. "Siguro at the minimum, he should [seek re-election] as Pampanga governor kasi dapat maging realistic [tungkol sa] resources, organization na kailangan ng isang presidential candidate. I doubt if meron siyang sufficient na nakalatag na ganoong organization," paliwanag ni Ocampo sa panayam ng GMANews.TV. "Pero it is his choice, and I respect his position," idinagdag ng kongresista. Nitong Martes, sinabi ni Panlilio na handa na siyang magpaalam sa Simbahan upang tuluyang iwan ang pagiging pari kapalit ng kanyang pagtakbo sa 2010 elections upang tumugon sa “tawag" sa kanya ng Panginoon. (Basahin: Abito tuluyang huhubarin: Panlilio desididong kumandidatong pangulo.) “This priesthood that I love so much, I’m willing to give up for a greater love and that’s love for the country. For me the heart of priesthood is accepting the love of God and working for other people especially the poor," ayon sa gobernador. - GMANews.TV