7 patay sa sagupaan ng AFP at MNLF sa Palawan
Pitong lalaki na pinapaniwalaang miyembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) ang napatay matapos salakayin ng tropa ng pamahalaan nitong Miyerkules ang isang isla sa Palawan na inukopa ng grupo noong Sabado. Ayon kay Lt. Col. Yuri Pesigan, commanding officer ng Marine Battalion Landing Team (MBLT) 8, isang sniper ng Philippine Marine ang nasugatan sa naganap na labanan. Sinabi ni Pesigan na tinatayang 30 hanggang 40 ang kasama sa grupo ng MNLF na nang-hostage ng pitong tao at umukupa sa Mantangule Island sa Palawan noong Sabado. "Mayroon din âyung eskwelahan, dun dinala 'yung mga dating mga kanilang hinostage na mga native. Pero before na nagkameron kami ng assault, pinawalan na nila yung mga hostage," pahayag ni Pesigan. Hindi umano malinaw kung nagkaroon ng bayaran para pakawalan ang mga bihag pero may impormasyon umano na nanghingi ng pera sa mga lokal na residente ang mga rebelde. "Yung nakuha naming information nag-extortion sila dun sa mga residents dun sa isla," ayon sa opisyal ng militar. Sinabi ni Perigan na napilitan silang salakayin ang mga rebelde nang hindi nila tuparin ang kanilang pangako na lilisanin ang isla noong Martes ng gabi. Tatlong barko na kinalulunanan ng mga tauhan ng MBLT 8, Navy SEALS at mga pulis ng Palawan ang sumugod sa nabanggit na isla.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sinabi ni Lt. Col. Edgard Arevalo, tagapagsalita ng Philippine Navy, na sinakop ng mga rebelde ang isla nang pumalag ang lider ng grupo na si Abdullah Abdurajak sa tatlong kaso ng illegal possession of firearms na isinampa sa kanya. "Bilang paraan [na ipakita] na hindi siya sasama at papahuli, inipon niya ang mga tauhan niya at in-occupy ang lugar na ito," pahayag ni Arevalo sa QTV newsâ Balitanghali. "This is a clear criminal and terroristic act," idinagdag ng opisyal. Matapos ang putukan, pitong bangkay ang nakuha ng mga awtoridad at inaalam pa kung kasama sa mga nasawi si Abdurajak. Nakatakas naman umano ang iba pang rebelde matapos humalo sa mga sibilyan, ayon Perigan. Una rito, sinabi ni Press Secretary Cerge Remonde na handa si dating MNLF chairman Nur Misuari na tumulong para sa mapayapang paglutas ng krisis sa Palawan. "The Armed Forces and MNLF chairman Misuari himself has volunteered to help solved this problem which is a good sign that the MNLF chairman does not condone these activities but so far this has already been contained by the military in that area," ayon sa kalihim. Kasama si Misuari sa nagtatag ng MNLF noong dekada 70s upang ipaglaban ang karapatan ng mga kapatid na Muslim. Taong 1996 nang lumagda si Misuari sa peace deal sa ilalim ng administrasyon ni dating Pangulong Fidel Ramos. Nakapaloob sa kasunduan ang pagtatatag ng Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) kung saan tumakbong kandidato si Misuari at nanalong gobernador. Ngunit pinatalsik ng tinatawag ng Council of 15 ng MNLF si Misuari bilang pinuno ng samahan noong 2001. Inakusahan ang dating lider ng MNLF na nagpabaya sa kanyang tungkulin bilang lider ng ARMM. - GMANews.TV