ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bro Eddie haharapin si Bro Mike sa 2010 elections


MALOLOS CITY – Muling sasabak sa 2010 elections si Bro. Eddie Villanueva ng Jesus is Lord Church (JILC) matapos tanggapin ang nominasyon ng partidong Bangon Pilipinas bilang pambato nila sa panguluhang halalan. Tinatayang may 5,000 taga-suporta na nagmula sa ibat-ibang simbahan grupo at sektor ang sumaksi sa nominasyon kay Villanueva nitong Biyernes na ginawa sa harap ng makasaysayang simbahan ng Barasoain sa lungsod na ito. “I am humbled by the insistence of the Bangon Pilipinas Party and the Bagong Pilipino Movement," pahayag ni Villanueva. Inamin ng lider ng JIL na tutol ang kanyang pamilya na muli siyang kumandidato sa pagkapangulo at siya man ay nagdadalawang sisip. Ngunit tinanggap umano niya ang hamon dahil walang makita ang Bangon Pilipinas ng ibang lider na may kakayahan, katapatan at kredibilidad na tumakbo bilang pangulo. “Buong puso kong tinatatanggap ngayon ang hamon na pamunuan ang pagbabago para sa halalan sa 2010 and today we declare war against goliaths of corruption and injustice," pahayag nito. Kasabay ng pagtanggap ni Villanueva sa nominasyon, hinimok nito ang kanyang mga taga-suporta na mangampanya upang manghikayat sa kanilang mga kakilala na magparehistro. “Tell your friends and relatives na sisimulan natin ngayon ang kampanya sa pagtiyak na rehistrado sila bilang botante so that they can enjoy their birth right to vote," ayon sa JIL leader.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Si Villanueva ang ikatlong lider na konektado sa Simbahang Katoliko na nagdeklarang tatakbong presidente sa 2010 elections. Una rito ang pari (on-leave) na si Pampanga Gov. Eddie Panlilio, at sumunod si El Shaddai leader Bro. Mike Velarde. Dahil sa deklarasyon ni Villanueva, lalo pang humaba ang listahan “presidentiables" sa hanay ng oposisyon. Kabilang dito sina dating Pangulong Estrada, Sens Manny Villar, Mar Roxas, Francis Escudero, Loren Legarda, Makati Mayor Jejomar Binay at Gov. Panlilio. Sinabi ni Velarde nitong Huwebes na sasabayan nito sa pagtakbo si dating Pangulong Joseph Estrada upang magsilbing “paniguro" sakaling madiskuwalipika ang pinatalsik na lider noong 2001 EDSA people power 2. Tumakbo na noong 2004 presidential elections si Villanueva kung saan nanalo si Pangulong Gloria Macapagal Arroyo. Ayon kay Villanueva, marami siyang natutunan sa kanyang karanasan sa pagtakbo noong 2004 presidential polls lalo na umano sa aspeto ng dayaan. “Hindi na tayo puwedeng dayain at dapat nating patunayan sa mga goliath of corruptions na hindi lahat ng Pilipino at ipagbibili ang boto," pahayag nito. Kabilang sa mga plataporma ni Villanueva ang pagbuo ng National Commission for Peace and Progress kung saan magiging bahagi umano ang bawat sektor partikular na ang mga rebelde. Itatatag din umano nito ang Truth Commission na mag-iimbestiga sa lahat umano ng kasamaan at katiwalian na nangyari sa bansa. Hindi naman inihayag ni Villanueva kung sino ang kanyang magiging bise presidente at magiging kandidato sa Senado. - GMANews.TV