ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Shabu lab sa Bulacan sinalakay; 4 na Chinese dinakip


MALOLOS CITY— Tatlong Chinese national ang dinakip matapos salakayin ng pinagsanib na puwersa ng pulisya at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang isang hinihinalang shabu laboratory sa Meycauayan, Bulacan nitong Biyernes ng umaga. Sa bisa ng search warrant na ipinalabas ni Judge Nina Antonio ng Manila Regional Trial Court Branch 28, sinalakay ng mga tauhan ng PDEA at Anti-Illegal Drugs Special Operation Task Force (AID-SOFT) ang bahay ng isang Mario Chua sa Sitio Dayap, Brgy. Pantok, Meycauayan City. Nadakip sa ginawang operasyon sina James Chua, 36-anyos; Michael Uy, 32; at isang Ang Nong Cheng, 60. Nakumpiska rin umano ng mga awtoridad ang iba’t ibang kasangkapan at kemikal na ginagamit sa pagluluto ng ilegal na droga. Itinuturing ng mga awtoridad na malaking dagok sa sindikato ng mga gumagawa ng shabu ang pagkakadiskubre sa laboratoryo sa Meycauayan. Hindi ito ang unang shabu laboratory na sinalakay ng mga awtoridad sa Bulacan. Ilang bahay na pinapaniwalaang ginagawang laboratoryo ng ilegal na droga ang sinalakay noon sa mga bayan ng Guiguinto, Calumpit, San Rafael, San Jose Del Monte City, Marilao, at Bocaue. - GMANews.TV