ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lahat ng nalunod na bata sa ilog sa Cavite nakita na; 1 bata rin nalunod sa Bulacan


Nakita na rin nitong Miyerkules ang mga labi ng huli sa limang bata na tinangay ng rumaragasang tubig sa isang ilog sa Cavite noong Lunes. Sa Bulacan, isinisi naman ng mga residente ng Angat ang ilegal na operayon ng quarry sa lugay kaya nalunod ang isang batang lalaki noong Martes. Sa ulat ng GMA news Flash Report nitong Miyerkules, sinabing nakita ng rescue team ang ika-lima at huling bata sa layong anim na kilomentro mula sa lugar kung saan sila tinangay ng malakas na agos ng tubig sa ilog ng Pasong Buwaya noong Lunes. Nakuha ng rescue team na binubuo ng mga tauhan ng Philippine Navy at Marines ang mga labi ng 11-anyos na si Kent Bryant Revilla. Nagtamo ang bata ng mga sugat at galos sa katawan at ulo. Naunang nakita ang mga labi ng kapatid ni Kent na sina Kobe Mel, 6, at Daryl, 9, at mga kaibigan na sina Jerry Millaluz at Fernando Socito Jr., kapwa 12-anyos. Nanghuhuli umano ng talangka ang mga biktima sa ilog sa bahagi ng Barangay Paliparan, Dasmarinas nang biglang umagos ang malakas na tubig at tangayin ang mga bata. Anim na iba pang bata ang nakaligtas sa nasabing trahedya.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa Bulacan, isinisi ng mga residente ng Angat sa operasyon ng illegal quarry ang pagkalunod ni John Kenneth Tusi, 5-anyos, na nahulog sa may 15 talampakang lalim ng quarry site na may tubig. “Hindi sana namatay yung bata kung tinigilan na yung quarrying dito sa amin," ayon kay Eric Sincioco, kabilang sa mga residenteng tutol sa patuloy na gravel and sand quarrying sa Angat. Nakuha ang mga labi ng biktima sa malalim na quarry site noong Martes ng hapon matapos ang mahigit na dalawang oras na paghahanap sa kanya ng kanyang ina na si Jennelyn Tusi, 30. Hindi umano namalayan ni Gng Tusi ang pagwala ng anak dahil nang sandaling iyon ay abala siya sa pagluluto ng kanilang kakainin sa tanghali. Matapos hanapin ng ilang oras, kinabahan umano ang mga naghahanap nang mapansin ang tsinelas at damit nito sa bahagi ng quarry site na may tubig. Dahil sa malalim ang tubig, ginamitan ito ng lambat at tuluyang nakumpirma ang pagkalunod ng bata. Nanawagan ang mga residente kina Bulacan Governor Joselito Mendoza, Mayor Leonardo De Leon at sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), na gumawa ng hakbang upang matigil ang ilegal na operasyon umano ng quarry sa lugar. - GMANews.TV