ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Walang Pinoy na nadamay sa lindol sa Indonesia - RP envoy


Walang Pinoy na nasawi o nasaktan sa malakas na lindol na tumama sa Indonesia nitong Miyerkules, batay sa ulat ng embahador ng Pilipinas sa nabanggit na bansa. Sa panayam sa dzBB radio nitong Huwebes, sinabi ni Ambassador Vidal Querol na nakipag-ugnayan na siya sa mga Filipino community leader sa Indonesia. “Walang nasaktan o nasawing Pilipino. Tayo ay nagpapasalamat sa Poong Maykapal," pahayag ng opisyal. Batay sa natatanggap na ulat ng Philippine Embassy, nagiging mahirap ang rescue and retrieval operation sa mga gumuhong gusali sa Indonesia dahil sa kakulangan ng mga heavy equipment. Tinatayang aabot sa 200 tao ang nasawi sa naganap na paglindol sa kanlurang bahagi ng Indonesia. Samanatalang aabot naman sa 500 bahay at gusali ang nawasak. Marami umanong residente ang ayaw pang bumalik sa kanilang mga bahay dahil sa labis na takot na magkaroon pa ng paglindol. Sinabi ni Querol na posibleng naramdaman ang lindol sa bayan ng Aceh kung saan mayroong nakatira at nagtatrabahong Pilipino. “Di masyadong naramdaman ng ating mga kababayan and lindol, pero sa Aceh damang-dama nila. Sa Jakarta 'di masyado. Sa Sumatra, walang Pilipino doon," paliwanag ng opisyal. - GMANews.TV

Tags: quake, ofws