ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Hindi maulan: Bagyong ‘Pepeng’ mahangin naman


MANILA – Hindi man magbuhos ng maraming ulan, ang malakas na hangin na dala ng bagong bagyong ‘Pepeng’ ang pinapangambahan na makapaminsala sa mga lugar na tutumbukin nito. Inihayag ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Huwebes, na posibleng madagdagan ang mga lugar na posibleng tamaan ni "Pepeng" kapag tuluyan itong naging super typhoon. Tatlong lalawigan sa Bicol region ang isinailalim na sa Storm Signal No. 1. “Ang concern kay 'Pepeng' ay ang kanyang disastrous wind… We expect 'Pepeng' to intensify further and move towards northern Luzon," ayon kay Nathaniel Cruz, tagapagsalita ng Pagasa. "Kahit walang mararanasang masyadong malalakas na ulan sa Metro Manila at sa mga kapatagan, pero ang mga pag-ulan sa kabundukan ay magiging sanhi pa rin ng pagbaha. ‘Yan ang ating babantayan," idinagdag ni Cruz. Una rito, sinabi ni Pagasa forecaster Mario Palafox, na nananatili sa kanyang direksyon si "Pepeng" at posibleng maging super typhoon. "Ito malapit sa 180, minimum hangin ng super typhoon, ito 150 na, so 30 kph na lang, puwede na i-consider na super typhoon," paliwanag ni Palafox. Nitong tanghali ng Huwebes, umabot na sa 175 kilometers per hour (kph) ang pinakamalakas na hangin ni "Pepeng" malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 201 kph. Namataan ang bagyo sa 510 kilometers silangan ng Borongan, Samar at tinatahak ang direksyon ng hilagangsilangan sa bilis na 24 kph. Inaasahan na tatama sa lupa ang bagyo sa pagitan ng Aurora at Isabela sa Sabado.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sinabi ni Cruz na magpapalabas ng weather bulletin ang Pagasa sa bawat dalawang oras habang papalapit ang bagyo. Nakataas na ang Storm Signal No. 1 sa Camarines Norte, Camarines Sur, at Catanduanes. Bilang paghahanda kay "Pepeng," sinabi ni Susan Villanueva ng Pagasa, na magpapakawala ng tubig sa mga pangunahing dam. “Ang major reservoir ay magpapakawala ng tubig para ibaba ang safe level ng dam at elevation. Para pagdating ng ulan, meron tayong storage at hihina na ang pag-spill pagdating ng ulan at hindi na sasabay," paliwanag niya. Nilinaw din ni Cruz na ang pagdilim ng kalangitan sa malaking bahagi ng Metro Manila at panaka-nakang pagbuhos ng ulan ay hindi pa epekto ni "Pepeng." "Melor" nakabuntot Habang hinihintay ang pagtama ni “Pepeng," sinabi ni Palafox na isang tropical depression (international codename "Melor") ang nakabuntot sa bagyo na magpapalakas sa hanging habagat. "Itong tropical depression papasok sa boundary ng Philippine area of responsibility, pero 'di makaapekto sa atin," idinagdag niya. – GMANews.TV