ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

3 bayan sa Bulacan lumubog uli sa baha kahit walang ulan


Walang ulan pero lumalala ang pagbaha sa tatlong bayan sa lalawigan ng Bulacan dahil sa high tide sa Manila Bay nitong Lunes, ayon sa pinuno ng Office of Civil Defense sa Gitnang Luzon. Sa panayam sa telepono ng GMANews.TV nitong Martes, sinabi ni Neri Amparo, opisyal sa OCD, na apektado ng pagbaha ang mga bayan ng Calumpit, Hagonoy, at Pulilan. "Nag-high tide kahapon [Lunes]. Kaya lalong lumala yung baha," ayon kay Amparo. Hindi na rin madaanan ang mga malalaking sasakyan ang bayan ng Hagonoy dahil sa mataas na tubig. Sa Pulilan, tinatayang 1,000 pamilya sa mga barangay ng Dulong Malabon, Inaon, Dampol II-A at B, Tibag, at Peñabatan ang naapektuhan. Sinabi ni Amparo na patuloy ang relief at rescue operation sa mga apektadong munisipalidad sa tulong ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) at Department of Social Welfare and Development (DSWD). Sa Calumpit, sinabi ni Mayor James de Jesus na 21 sa 29 barangay sa bayan ang binaha na aabot sa isa hanggang walong pulgada ang taas ng tubig. Umabot umano sa 13 barangay ang matinding naapektuhan. Nag-aalala rin si De Jesus dahil marami umano sa kanyang mga kababayan ang ayaw lumikas dahil hindi nila maiwan ang kanilang bahay at ayaw makipagsiksikan sa mga evacuation centers. "Nonetheless, we’re still going to send rubber boats to rescue them," ayon sa alkalde.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Backfloods Inihayag ng isang residente sa Calumpit na sanay na silang magkaroon baha sa kanilang lugar na abot sa dibdib kapag nagsimula ng humupa ang tubig sa daluyan ng tubig sa Pampanga at Nueva Ecija. "Hanggang dibdib pa rin sa labas ng bahay. Hindi namin alam kung bumababa o hindi kasi pabago-bago baka dahil high tide o nagpakawala ulit ang dam. Tingin namin mga isang linggo pa bago mawala lahat ng tubig," paliwanag ni Luisa Tan, 54, ng Barangay Frances Bukid sa Calumpit. Nanawagan naman si Hagonoy vice mayor Elmer Santos ng alternatibong transportasyon para sa kanilang lugar upang hindi matigil ang aktibidad ng pamumuhay sa mga residente sa barangay na hindi na madaanan ng mga sasakyan na may gulong. “Kahit bangka, kailangan namin dahil hindi na madaanan ng dump truck ang mga kalsadang palabas ng Hagonoy," ayon kay Santos na nagsabing suspindo na ang klase sa kanilang bayan hanggang Huwebes. Sinabi niya na ang mga lansangan mula sa Hagonoy patungong Calumpit, Paombong at Malolos ay halos hindi na madaanan sa lalim ng backflood na nagmula sa Pantabangan Dam sa Nueva Ecija. - GMANews.TV