ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

P12B calamity funds nais matiyak na hindi malulustay


MANILA – Nakalusot na rin sa Senado sa huling pagbasa ang panukalang P12 bilyong pondo para sa calamity funds na gagamitin ng National Disaster Coordinating Council (NDCC) sa malawakang relief at rehabilitation effort sa mga biktima at lugar na sinalanta ng mga bagyo. Kasabay nito, nagpahayag ng pagkabahala si Sen. Pia Cayetano sa pagkakatalaga sa NDCC na pinamamahalaan ni Defense Secretary Gilbert Teodoro upang mamahala sa P12 bilyong pondo. Sa ginanap na press conference ng mga senador na pinamunuan ni Senate President Juan Ponce Enrile, sinabi ni Sen. Edgardo Angara na pinaboran ng mga kongresista ang ilang probisyon sa bersiyon ng Senado sa pangalagaan ang pondo upang matiyak na hindi ito magagamit sa katiwalian. “This is a bipartisan measure in order to fund the relief and rehabilitation of all those who suffered from the four recent typhoons," ayon sa senador. (Basahin: P12B calamity fund aprubado sa Kamara) Ayon kay Angara, pinaboran ng mga kongresista ang ilang probisyon na inilagay ni Sen. Alan Peter Cayetano upang mapangalagaan ang pagpapalabas ng pondo at hindi ito malustay. Alinsunod sa inaprubahang Joint Resolution No. 48, sasakupin ng panukala ang lahat na naging biktima at nasirang impraestraktura ng bagyong “Ondoy," “Pepeng," “Reming," at “Frank." Tiniyak din ng mga senador na pinaboran ng grupo ng minorya sa pamumuno ni Senate Minority Leader Aquilino Pimentel Jr., na hindi basta-basta makagpapalabas ng pondo ang alinmang ahensiya ng pamahalaan na may kinalaman sa relief and rehabilitation nang walang pag-uulat sa Joint Congressional Oversight Committee. Kailangan din umanong ilantad ng kaukulang ahensiya sa kani-kanilang website ang lahat ng bagay sa pagkakagastusan sa partikular na pondo kasama ang mga dokumentasyon, pangalan ng supplier, halaga at pamamaraan ng pagbili ng anumang bagay gamit ang naturang pondo. “Halimbawa, kung kukumpunihin ng DPWH ang Rosario Bridge na sinalanta ng bagyo, kailangan magsumite muna sila ng program of work sa NDCC saka lamang hihingi ng pondo sa Department of Budget and Management," ayon kay Angara. Inihayag din umano ni Teodoro, na malamang na nakapagbitiw na siya sa tungkulin sa NDCC upang tumakbo sa 2010 elections bago pa man ipalabas ang naturang pondo. Pangamba ni Sen Pia Sa kabila nito, nabahala si Sen. Cayetano na ipagkatiwala kay Teodoro ang P12 bilyong budget sa calamity fund dahil sa pagporma nito bilang standard bearer ito ng administrasyon sa 2010 elections. Sinabi ng mambabatas na dapat may malinaw na alituntunin sa paggastos ng pondo upang matiyak na lantad at magagamit sa tama ang naturang halaga. “Safeguards must be made a requirement by Congress whenever it deliberates on lump-sum appropriations, especially in the case of these calamity funds where we are talking about billions in taxpayers’ money that will be spent with dispatch," pagdiin ni Cayetano. “Masyadong mapanganib na ibibigay natin ang bilyong halaga ng pondo sa diskresiyon ng isang ahensiya. Kailangan maghinay-hinay ang Kongreso sa pag-aapruba ng naturang resolusyon," paliwanag niya. Maging ang mga nagpanukala ng resolusyon ay aminado umano na hindi na masyadong gagamitin ang proseso ng bidding alinsunod sa National ng Government Procurement System upang madaling makabili ng kinakailangan suplay at kagamitan para sa relief and rehabilitation program ng mga lugar na sinalanta ng kalamidad. “Pabor tayo sa pagpasa ng calamity funds, pero dapat amendahan ang resolusyon upang mailagay ang ilang probisyon hinggil sa espisipikong alituntunin upang matiyak na magkakaroon ng mahusay at lantad ng paggamit ng pondo," dagdag ni Cayetano. - GMANews.TV
Tags: calamityfund