ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Intriga sa sakit ng isang bayani


Alam nyo ba kung bakit naging kontrobersiyal ang malubhang karamdaman na dumapo sa bayaning si Apolinario Mabini na naging dahilan ng kanyang pagiging lumpo? Sinasabing 32-anyos na ang kinikilalang “utak ng himagsikan" na si Mabini nang dapuan ito ng mahubhang karamdaman na naging dahilan ng kanyang pagka-lumpo noong 1896. Dahil sa kanyang sakit, naparalisa ang bahagi ng katawan ni Mabini mula sa baywang pababa. Ngunit dahil sa iringan umano sa dalawang paksiyon ng mga rebolusyonaryo sa pagitan ng grupo nina Andres Bonifacio at Heneral Emilio Aguinaldo, lumutang ang intriga na ang sakit na naging dahilan ng pagkalumpo ni Mabini ay sanhi ng makahahawang sakit na “syphilis." Bagaman hindi napatunayan noon na syphilis ang sanhi ng pagkalumpo ni Mabini, nanatili namang nakabitin ang naturang kontrobersiya hanggang sa siya ay pumanaw noong 1903 sa edad na 39. Ngunit pagkalipas ng 77 taon mula nang mamatay si Mabini dahil sa sakit na kolera (1903), napatunayan ng mga dalubhasa ng National Orthopedic Hospital na sumuri sa mga boto ng bayani noong 1980, na sakit na “polio"ang naging dahilan ng kanyang pagiging lumpo. (Ang larawan ni Mabini ay hango mula sa web site ng National Historical Institute) - Fidel Jimenez, GMANews.TV