ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bantay Undas: Kandila mas mabili sa bulaklak


MANILA – Sa kabila ng mahinang benta ng mga bulaklak ngayong papalapit ang Pista ng mga Patay (Undas), hindi pa rin natigilan ang mga nagtitinda sa Dangwa, Maynila na magtaas sa presyo ng kanilang produkto. Paniwala ng mga nagtitinda ng bulaklak, mas pinipili ng mga tao na bumili ng kandila kaysa sa bulaklak na dadalhin nila sa mga sementeryo simula sa Nobyembre 1. "Siyempre sa hirap ng buhay ngayon iba nagiging practikal na lang, ‘di masyadong bumibili, pakonti-konti na lang. Ang iba kandila na lang, ‘di tulad dati marami," pahayag ni Beth Blanco, nagtitinda ng bulaklak sa Dangwa nang makapanayam ng dwIZ radio nitong Martes. Sa kabila nito, sinabi sa ulat na marami pa ring nagtitinda ng bulaklak ang naniniwala na lalakas ang benta ng kanilang kalakal kapag malapit na ang Undas at nagsimulang umuwi sa mga lalawigan ang mga tao para bumisita sa puntod ng kanilang mga yumaong kamag-anak. Gayunman, halos doble na umano ang presyo ng mga bulaklak dahil na rin sa papalapit na Undas. Ang mga bulaklak na naka-basket, mula sa karaniwang presyo na P150 ay naging P250 na. Samantalang ang naka-bouquets na nagkakahalaga noong P200 ay umakyat na P300. Ang Malaysian mums na dating P100 bawat dosena ay nagkakahalaga ng mula P120 hanggang P150. Ang mga orchids ay pumapalo na sa P200 hanggang P380. Ang paboritong Anthurium flowers ay nasa P350, habang ang mga rosas ay P120. Ang isang bouquet ng rosas na dating P180 ay mabibili ngayon ng P250. Ang pagtaas umano ng presyo ng mga bulaklak ay may kaugnayan pa rin sa pinsalang idinulot ng bagyong “Pepeng" sa Hilagang Luzon kung saan nanggagaling ang ilang uri ng bulaklak na ibinabagsak sa Dangwa. Kumukuha rin umano ng produkto ang mga tindera sa Dangwa sa mga lalawigan ng Cebu, Davao, Cotabato at Tagaytay. - GMANews.TV