ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bagyong ‘Santi’ matindi sa hangin; MManila kasama sa Signal No. 3


MANILA – Hindi man magiging matindi ang ulan na ibubuhos ng bagyong si “Santi," binalaan naman ng awtoridad ang publiko sa peligro ng malakas na hangin na dala ng bagyo sa Southern Tagalog at Bicol Region. Sa ipinalabas na abiso ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) nitong Biyernes ng hapon, 15 lugar ang isinailalim sa Signal No. 3 kasama na ang Metro Manila. Kabilang din sa mga lugar na sakop ng Signal No. 3 ang Polillo island, Bulacan, Bataan, Rizal, Cavite, Laguna, Batangas, Oriental Mindoro, Occidental Mindoro, Lubang Island, Marinduque, Camarines Norte, Camarines Sur, at Catanduanes. Ayon kay Romel Yutuc, weather forecaster, kaunti lang ang ulan na ibubuhos ni Santi sa Metro Manila dahil walang hanging habagat na kasama ang bagyo hindi katulad noong nanalasa si 'Ondoy.' Asahan na rin na apektado ang planong bakasyon ng mga uuwi sa mga lalawigan bunga ng kinanselang mga biyahe ng barko at eroplano dahil sa inaasahang pagtama sa kalupaan ni Santi sa Bicol region sa Sabado. Kabilang sa mga biyahe sa barko na pinigil ng Philippine Coast Guard simula nitong Biyernes ng umaga ay ang manggagaling sa Aurora patungo sa Camarines Sur, gayundin sa North harbor sa Maynila. Namataan si Santi sa 230 kilometers silangan ng Infanta, Quezon dakong 4 p.m. Taglay nito ang pinakamakas na hangin na 150 kilometers per hour malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 185 kph.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Kumikilos si Santi patungong timogkanluran sa bilis na 24 kph. Ayon kay Nathaniel Cruz, tagapagsalita ng Pagasa, asahan na tatawid si Santi sa Metro Manila, gayundin sa Rizal, Laguna, Cavite, at Batangas, patungo sa South China Sea. Bagaman sa Linggo (Nov 1) ay tinatayang nasa 760 kms ng kanluran- timogkanluran ng Metro Manila si Santi, asahan umano na magkakaroon pa rin ng pag-ulan, ayon kay Cruz. "By November 1 papalayo na ang bagyo pero may posible pa ring pag-uulan lalo na sa kanlurang bahagi ng southern and central Luzon," paalala ng Pagasa. Sakop naman ng Signal No. 2 ang mga lugar ng Aurora, Quirino, Nueva Ecija, Tarlac, Pampanga, Zambales, Albay, Romblon, Calamian Group, at Burias Island. Nakataas naman ang Signal No. 1 sa Isabela, Ifugao, Nueva Vizcaya, Benguet, La Union, Pangasinan, Sorsogon, Masbate, Ticao Island, Northern Palawan, Northern Samar, at Northern Panay. – GMANews.