ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Bakanteng lote sa lungsod dapat daw tayuan ng housing projects
MANILA â Sa halip na mga mall at matataas na gusali, mga murang pabahay ang dapat umanong itayo ng pamahalaan sa mga bakanteng lote sa mga lungsod na paglilipatan ng mga maralita, ayon sa isang lider ng Simbahang Katoliko. Ang pahayag ay ginawa ni Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ng Archdiocese ng Maynila, kasabay ng panawagan na magkaroon ng moratorium sa mga marahas na demolisyon sa mga bahay ng informal settlers o squatter lalo na ngayong panahon ng Pasko. Sa panayam ng Veritas radio nitong Miyerkules, pinuna ng Obispo ang programang pabahay ng pamahalaan kung saan inililipat ang mga itinataboy na maralitang taga-lungsod sa malalayong lugar na wala umanong kabuhayan. âMahalaga sa maralitang taga-lungsod ay hanapbuhay kaya kung ililipat sila sa mga tinatawag na danger zone dapat ilipat (sila) sa lugar na may hanapbuhay at sa loob ng lungsod mismo," pahayag ni Pabillo, tagapangulo ng National Secretariat For Social Action Justice and Peace ng Catholic Bishops Conference of the Philippines. Binigyan-diin ng Obispo na kailangan ding baguhin ang pagtingin sa mga maralita at kilalanin ang kanilang karapatan na manirahan sa lungsod sa halip na itaboy sa malayong lugar. âMarami rin mga lupa dito sa lungsod na nakatiwangwang. Dapat gamitin para sa mga maralita at madalas yung mga lupa dito sa lungsod ay naipagpapatayo ng mga malls, matataas na building tapos wala tayong para sa mga mahihirap," pahayag ni Pabillo. Nagpaliwanag din si Pabillo sa ipinalabas niyang pastoral letter kung saan nabanggit niya ang "structure of sin" sa urban planning at development policies. âAng ibig sabihin ng structure of sin na tayo ay nakabibilang sa isang pamamalakad na hindi tama, na makasalanan. Kung minsan hindi natin namamalayan na naging bahagi nga tayo sa ganyang pamamalakad," pahayag ng obispo. Umapela din siya na resolbahin sa negosasyon at pag-uusap ang pagpapaalis sa mga maralita upang maiwasan ang mga marahas na demolisyon. - GMANews.TV
More Videos
Most Popular