ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Balik Pinas: 15 OFWs nabiktima ng contract substitution sa Qatar


MANILA – Labinglimang overseas Filipino workers (OFWs) mula sa Doha, Qatar ang humingi ng tulong kay Senador Manny Villar para maipakulong ang local recruiter na nanloko umano sa kanila sa trabaho sa ibang bansa. Ayon kay Jun Talusan, umaaktong lider ng grupo ng mga OFWs, bumisita sila sa tanggapan ni Villar upang humingi ng tulong legal at mabigyan ng katarungan ang mapait na karanasan na sinapit nila sa Qatar. Reklamo ni Talusan, nagkaroon ng paglitan ng kontrata pagdating nila Qatar. Taliwas sa kontrata na piniramahan nila sa Pilipinas kung saan QR40 bawat araw ang dapat nilang kitain, bumaba ito sa QR25 bawat araw sa panibagong kontrata na pinapirmahan sa kanila sa Qatar. “Kung kinakailangang makulong silang lahat upang mabigyan kami ng katarungan, dapat managot sila sa batas," ayon kay Talusan. Batay umano sa nakuha nilang impormasyon, nagpalit na ng pangalan ang agency na nag-recruit sa kanila. Ayon sa mga OFW, ang Concept Placement Resources, Inc., ang kumuha sa kanilang serbisyo patungong Qatar. Dumating ang grupo ni Talusan sa nabanggit na bansa noong Nobyembre 17, 2009, pero bumalik din kaagad sa Pilipinas pagkalipas ng 12 araw dahil sa ginawang pagpapalit ng kanilang kontrata. Batay sa reklamo nila kay Villar, isa-isa silang ipinatawag sa opisina ng Consolidate Contractors Int’l Co., S,.A.L., sa Doha, Qatar, para papirmahin sa ipinalit na kontrata na nagsasaad ng pagbawas sa naunang sahod na ipinangako sa kanila. “Isa-isa kaming pinapasok sa opisina ng may-ari ng kompanya, may translator na Filipino sa loob. Pagdating sa loob, ipinaliwanag sa amin na may panibagong kontratang pipirmahan. Hindi ako pumayag, kaya eto umuwi na lamang ako," ayon naman kay Joel Agag na gumastos umano ng P100,000 sa pagproseso ng kanyang pagpunta sa Qatar. Dahil dito, kaagad na inatasan ni Villar ang kanyang legal team na nakatutok sa OFW Helpline upang kalapin ang mga kailangan dokumento sa gagawing paghahain ng kaso laban recruiter. Kasabay nito, sasamahan ng grupong Blas Ople Policy Center na pinamumuan ni Susan “Toots" Ople, ang mga nagrereklamong OFW sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para sa paghahain ng reklamo sa Lunes. Sinabi ni Ople na dapat kumilos ang pamahalaan para alamin ang lahat ng recruitement agencies sa bansa na maaaring pumapayag sa contract substitution ng mga OFW. “Noon pa namin iminumungkahi na palakasin ang kapangyarihan ng POEA kasi matagal at paulit-ulit na nangyayari sa ating kababayan ang ganitong mga problema. Dapat may kopya ang international airport ng listahan ng mga illegal recruiter para maabisuhan ang awtoridad sa illegal na gawain ng mga kompanyang ito," ayon kay Ople. - GMANews.TV