ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Bakit binawi ang martial law ni Marcos


September 21, 1972 nang ideklara ni dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. ang Martial Law sa buong Pilipinas. Alam nyo ba kung kailan ito binawi ni Marcos at kung ang ano sinasabing dahilan? Dahil sa banta umano ng mga rebeldeng komunista at lumalalang kaguluhan sa Pilipinas, nilagdaan ni Marcos ang Presidential Proclamation No 1081 upang isailalim ang buong Pilipinas sa batas militar. Kabilang sa mga idinahilan ni Marcos sa pagdedeklara ng martial law ay ang pag-ambush sa kasalukuyang Senate President na si Juan Ponce Enrile, na noo’y defense secretary ni Marcos. Kalaunan ay inamin ni Enrile na gawa-gawa lang ang naturang pananambang sa kanya nang magbitiw na siya ng suporta kay Marcos noong 1986. Kasunod ng deklarasyon ng martial law noong Setyembre 1972, dinakip ang mga kilalang kritiko ng administrasyon kabilang na ang mga kalaban niya sa pulitika katulad nina dating senador Benigno “Ninoy" Aquino Jr. at kasalukuyang Sen Aquilino Pimentel Jr. Sa panahon na umiiral ang batas militar, inakusahan ang gobyerno ni Marcos na nagkaroon ng malawakang paglabag sa karapatang pantao ng mga dinakip na militante at kasapi ng oposisyon. Ang pagbisita sa Pilipinas ni Pope John Paul II noong Pebrero 1981 ang sinasabing nagtulak kay Marcos para alisin na ang martial law. Ginamit umanong kondisyon ang pagbasura sa batas militar upang mahikayat ang Santo Papa na magtungo sa Pilipinas para dito gawin ang pagdedeklara kay Lorenzo Ruiz bilang unang Pinoy na santo sa halip na sa Vatican. Dahil dito, ipinalabas ni Marcos ang Presidential Proclamation 2045 noong Enero 17, 1981 upang ihayag ang pagwawakas ng batas militar na umiral sa bansa sa loob ng mahigit walong taon. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

Tags: pinoytrivia