ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Martial Law palatandaan ng kahinaan ng gobyerno - Villar


MANILA – Palatandaan umano ng kahinaan ng pamahalaan ang ginawang pagdeklara ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ng Martial Law sa Maguindanao nitong Sabado. Inihayag ito ni Sen Manny Villar kasabay ng pagtutol sa deklarasyon ng batas militar sa nabanggit na lalawigan para pigilin ang lumalala umanong “lawlessness." Kasunod ito ng naganap na masaker sa bayan ng Ampatuan na nagresulta sa pagkamatay ng 57 tao – kabilang ang 30 mamamahayag noong Nobyembre 23. “It is unfortunate that the declaration of Martial law has been resorted to after the government appeared reluctant to go all-out against those responsible for the Maguindanao massacre," ayon kay Villar, pambato ng Nacionalista Party sa panguluhang halalan sa 2010 presidential elections. Naniniwala ang senador na sapat na naunang idineklarang “state of emergency" para hulihin ang mga responsable sa masaker at buwagin ang mga private armies sa lalawigan. “We don’t even need to declare martial law in Maguindanao; we only have to enforce existing laws," ayon kay Villar na tiwala sa kakayahan ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police para ipatupad ang kaayusan sa Maguindanao. Nakatakdang talakayin ng mga mambabatas sa Senado at Kamara de Representantes ang idineklarang batas militar ni Arroyo sa susunod na linggo.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Pangamba ng media Nagpahayag din ng pagkabahala ang grupo ng mga mamamahayag sa idineklarang batas militar ni Arroyo na posibleng maging banta umano sa karapatan ng mga mamamayan. “We hope the move to declare martial law in Maguindanao would not lead to the wholesale curtailment of the people’s constitutional rights, especially press freedom," ayon kay Benny Antiporda, presidente ng National Press Club of the Philippines (NPC). Nanawagan din si Antiporda sa pamahalaan na tiyakin na hindi kumalat ang implementasyon ng martial law sa iba pang lugar na itinuturing “hot spots" at tuluyang umabot sa Metro Manila. “While it is about time that these private armed thugs – many of them trained by our national security forces – are dismantled we hope that the martial law declaration in Maguindanao would not spill to other provinces branded as ‘potential trouble spots’ by the authorities and eventually, Metro Manila," pahayag ng lider ng NPC. - GMANews.TV