ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Unang stock exchange


Bago magsanib ng puwersa noong 1990s, alam n’yo ba na dalawa ang sangay ng Philippine Stock Exchange (PSE) na magkahiwalay na nag-ooperate sa Maynila at Makati para subaybayan ang galaw ng kalakalan sa mga sapi sa merkado. Ang kinikilalang kauna-unahang stock exchange sa bansa ay ang Manila Stock Exchange (MSE) na itinatag noong Agosto 1927 ng limang negosyanteng Amerikano. Naging sentro ng kalakalan nang panahon iyon ang Binondo, Maynila kung saan ginagawa ang operasyon ng MSE sa Insular Life Building sa Plaza Cervantes. Taong 1963 nang itatag naman ng limang Pinoy na negosyante ang Makati Stock Exchange (MKSE). Ngunit dahil umano sa mga kinaharap na pagtutol na magkaroon ng isa pang stock exchange, halos dalawang taon bago ito tuluyang nakapag-operate sa Insular Life Building sa Makati. Kalaunan ay lumipat ng tanggapan ang MKSE sa bago nitong gusali sa Ayala Avenue noong 1971. Habang lumipat naman sa Pasig ang MSE noong 1992. Nang manalong pangulo si Fidel Ramos noong 1992 elections, isinulong niya na pag-isahin na lamang ang operasyon ng dalawang grupo na nagbabantay sa kalakalan ng mga sapi sa merkado. Marso 1993 nang isagawa ang unang eleksiyon ng mga kasapi ng board of governors ng itinatag na Philippine Stock Exchange (PSE). Sa sumunod na taon, binigyan ng license to operate ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang PSE, at kinansela naman ang lisensiya ng MSE at MKSE. Nag-operate ang PSE sa magkahiwalay na gusali sa Ortigas Centre sa Pasig at PSE Plaza, Ayala Avenue, sa Makati. Naganap ang makasaysayang unang kalakalan sa mga sapi sa ilalim ng pamamahala ng PSE bilang “One Price-One Market exchange" noong Marso 24, 1994. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

Tags: pinoytrivia