ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

'Kwitis’ itinuturong dahilan ng mga sunog sa Metro Manila


MANILA – Nais ng Bureau of Fire Protection (BFP) na ipagbawal na rin ang pagbebenta ng mga kwitis na itinuturong dahilan ng mga sunog sa Metro Manila sa pagsalubong sa Bagong Taon. Ang kwitis ay isang uri ng paputok na may patpat at pumuputok ng malakas sa himpapawid. Sa panayam ng GMA News 24 Oras nitong Biyernes, sinabi ni BFP-National Capital Region chief director Supt. Pablito Cordeta, na hindi lahat ng sinindihang kwitis ay pumuputok sa ere. Sa pagsalubong sa 2010, sinabi ni Cordeta na umabot sa 18 sunog ang naganap sa bansa. Sa naturang bilang, 11 ang nangyari sa Metro Manila at pinapaniwalaang sanhi ng mga paputok. Sa mga sunog na nangyari sa Metro Manila, walo ang naganap sa Maynila, dalawa sa Makati City, at isa sa Pateros.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Pinayuhan ni Cordeta ang publiko na ilubog sa tubig ang mga paputok na hindi pumutok, at maging ang mga hindi ginamit para maiwasan ang sakuna. “Ilubog na natin sa tubig iyang mga iyan para hindi na mapaglaruan ng mga bata at scavengers. Ito ay para makasigurado tayo na hindi na ito sasabog," payo ng opisyal sa hiwalay na panayam ng dzBB radio. Batay sa talaan ng Department of Health, kabilang ang kwitis sa mga naging pangunahing dahilan ng pagkakasugat sa paputok ng mga tao sa selebrasyon ng Bagong Taon noong 2008. Sa kabila nito, hindi kabilang ang kwitis sa mga paputok na ipinagbabawal sa ilalim ng Republic Act 7183 o Firecrackers Law. Ang mga ipinagbabawal na paputol ay ang watusi (“dancing firecrackers"), Lolo Thunder, Pla-Pla, Judas Belt at Piccolo. - GMANews.TV