ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Security escorts ni Manny Pacquiao pinag-initan


Kinuwestiyon ni Sen. Rodolfo Biazon nitong Martes ang umano’y mahigit 20 bodyguard ni Pinoy boxing hero Manny Pacquiao mula sa Philippine National Police (PNP) kasunod ng pagtanggal sa mga police escort na nakatalaga sa mga 'VIP' at pulitiko. Inalis ang mga police escort ng mga VIP at pulitiko bilang pagtalima ng PNP sa ipinalabas na patakaran ng Commission on Election (Comelec) na naglilimita sa bilang ng mga escort ng mga pulitiko ngayong panahon ng eleksiyon. Nagtataka umano si Biazon kung bakit pinayagan ng Comelec na magkaroon si Pacquiao nang mahigit sa 10 security personnel. Kamakailan ay mahigit 900 PNP personnel ang binawi ng pulisya na nagsisilbing bodyguard ng mga pulitiko at mga matataas na tao sa lipunan. Sinabi ng senador maghahain siya ng petisyon sa Comelec para pormal na hingan ng paliwanag ng komisyon kung ano ang ginamit nitong batayan para bigyan ng mas maraming security personnel si Pacquiao kumpara sa ibang VIPs at pulitiko.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Si Pacquiao ay kaalyado sa Nacionalista Party ni Sen Manny Villar, habang kasapi ng Liberal Party ni Sen Benigno “Noynoy" Aquino III si Biazon. Noong 2007 elections ay inaprubahan din umano ng Comelec na bigyan ng mahigit 10 security escorts si Pacquiao na pawang miyembro ng PNP, ayon sa mambabatas. Sa ilalim ng kasunduan ng PNP, Comelec at Armed Forces of the Philippines (AFP), anim na security detail lamang ang papayagan sa isang kandidato na tumatakbo sa pambansang posisyon at dalawa naman sa lokal na posisyon. Samantala, nanawagan si Sen. Villlar sa PNP na ipatupad ng maayos at mahigpit ang mga checkpoint para hindi malabag ang karapatang-pantao ng mga motorista na sisitahin. Nilinaw ni Villar na suporta niya ang ipinatutupad na gun ban ngunit dapat umanong maging responsable ang pulisya sa pangangalaga sa katahimikan at kaayusan ng publiko laban sa mga kriminal na hindi kumikilala sa gun ban. Nauna nang nagbigay ng paalala si Commission on Human Rights chairperson Laila de Lima sa PNP na sundin ang patakaran sa paglalagay ng mga checkpoint upang maiwasan ang mga reklamo ng publiko. Kabilang sa mahigpit na bilin ng CHR ay ilagay ang mga checkpoint sa maliwanag na lugar, maging magalang ang mga pulis, tiyaking nakauniporme ang mga tauhan ng PNP at makikita ang kanilang mga pangalan. – GMANews.TV