ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Puganteng si Jason Ivler, nasakote ng NBI matapos makipagputukan


Matapos ang dalawang buwang pagtatago, nahuli na ang suspek sa pamamaril at pagpatay sa anak ng opisyal ng Malacañang sa tahanan ng kanyang ina sa Quezon City noong umaga ng Lunes matapos ang pakikipagbarilan sa mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI). Naging kritikal ang kalagayan ng puganteng si Jason Ivler, na nahuli sa pinagtataguang silong sa Blue Ridge subdivision, sa isang ospital sa Quezon City, ayon sa isang GMA Flash report noong Lunes. Ngunit sa sumunod na balita, nakapanayam ni Allan Gatus ng dzBB ang head surgeon na si Dr. Fernando Lopez ng Quirino Memorial Medical Center na nagsabing ang 27-taong-gulang na si Ivler ay nasa maayos nang kalagayan at inilipat na sa intensive care unit. Dalawang ahente rin ng NBI ang ang nagtamo ng bahagyang mga sugat, kabilang ang isang babaeng ahenteng kasama sa pagsalakay. "Nahuli si Jason Ivler pero may na-injure na mga kasamahan namin. Sketchy pa ang information na natatanggap ko," anang tagapagsalita ng NBI na si Ricardo Diaz sa isang panayam sa dzBB. Nagtamo ng dalawang sugat mula sa tama ng baril si Ivler, na nakipagpalitan ng mga putok sa mga ahente ng NBI gamit ang isang M16 na armas, at itinakbo sa Quirino Memorial Medical Center sa Quezon City, ayon sa NBI. Iniulat din sa Unang Balita ni Emil Sumangil ng GMA News na inaresto rin ng NBI ang ina ni Ivler na si Marlene Aguilar, sapagkat sinubukan niya umanong pigilan ang mga ahente ng NBI. Pagwawala ng ina Sinabi ng ulat na sinuyod ng NBI ang hindi bababa sa limang kwarto. Bago natagpuan si Ivler na nagtatago sa isang kwarto sa silong, nagwala umano ang kanyang ina upang subukang maantala ang operasyon ng mga ahente. Nang kumatok ang mga ahente sa pinto ng kwarto ni Ivler, nagsimula umano itong magpapaputok, ayon kay Sumangil, na kasama sa operasyon. Nauna nang itinanggi ni Marlene, kapatid ng sikat na kompositor at mang-aawit na si Freddie Aguilar, na alam niya kung nasaan ang kanyang anak, at umapela pa sa kanyang sumuko na. Naniniwala na ngayon ang NBI na nagtago lamang si Ivler sa tahanan ng kanyang ina at hindi lumabas ng bansa, gaya ng nauna nang hininala. Nakatakas sa pagkakahuli si Ivler sa dalawang nakaraang mga pagsalakay sa bahay, na ang huli’y isinagawa noong Disyembre. Bago pwersahang buksan ng mga ahente ang pinto ng kwarto ni Ivler sa silong, nagsimula umanong sigawan ni Marlene ang mga ahente ng “Get out of my house!" “May sigaw ng babae," ayon sa isang kapitbahay, patungkol sa mga ulat nagwala umano si Marlene. Matapos ang limang minutong palitan ng putok, nakita sa isang news video ang mga ahente ng NBI habang iniipit at pinoposasan ang sugatang si Ivler sa kanyang kwarto. Nakasuot ng shorts ang pugante at may mga tattoo sa kanyang braso. Kinasuhan si Ivler sa pamamaril kay Renato Victor Ebarle Jr. noong November 18. Isang undersecretary sa Office of the President ang ama ni Ebarle. Humingi ng tulong ang gobyerno sa International Police Organization matapos sabihin ng ina ni Ivler na lumipad ito patungong Hawaii. Noong Disyembre, inaresto ng mga awtoridad ng Qatar ang isang kapangalan ni Ivler, si Jason Aguilar, at pinauwi sa Pilipinas noong Enero 7. Noong 2004, naaksidente rin ang sinasakyang kotse ni Ivler sa flyover sa C-5 sa Ortigas, na naging sanhi ng pagkamatay isang opisyal ng Malacañang official, si presidential assistant for resettlement Undersecretary Nestor Ponce. Hindi sinipot ni Ivler ang pagdinig sa aksidente noong 2004, na siyang nagging dahilan kung bakit siya idineklarang isang pugante ng mga awtoridad. Ivler, lumaban sa pag-aresto Sa kabila ng tinamong mga sugat, dinaluhong pa rin umano ni Ivler ang pangkat ng mga ahenteng may dala ng warrant para sa pag-aresto sa kanya. "Kahit may tama siya gusto niya pumutok nang pumutok" ani NBI lawyer-agent Rosauro Bautistasa isang panayam sa dwIZ. Ayon kay Bautista, dalawang ahente ng NBI (hindi isa gaya ng naunang naiulat) ang nasugatan sa operasyon. Kinilala ang isa na si agent Anna Labao. "Ang gamit niya mahaba, (kahit na natamaan) tuluy-tuloy ang kanyang lusob," ani Bautista. Kahit pa noong madala sa Quirino Memorial Medical Center upang gamutin, nagpatuloy umanong magwala sa Ivler, at sinubukang alisin ang mga tube na nakabit sa kanyang katawan, ayon sa isang nakilala lamang bilang Dr. Villamucho. “He was pulling at the tubes inside the operating room. We suspect he was hit in the intestine, which is a serious injury," aniya sa dzBB. Idinagdag niyang tinamaan sa kaliwang kaliwang balikat at kaliwang tagiliran si Ivler, at tumaas ang presyon ng kanyang dugo nang dalhin sa ospital. "Tumagos" ang kanyang mga sugat, dagdag niya. Maayos naman ang lagay ng ahenteng si Labao, na nadaplisan sa bandang dibdib sa engkwentro. "Pina-routine chest x-ray pero mukhang okay, ayaw nya magpa-X-ray" aniya. Basang tuwalya, naging susi Ayon sa ulat ni Sumangil, natunton si Ivler ng mga ahente ng NBI sa tahanan ng kanyang ina. Ipinakita ng mga kuha ang pagpasok ng mga ahente ng NBI sa tahanan, na nadedekorasyunan ng malalaking tarpolina ng kanyang ina, isang artist. Ani Sumangil, may mga palatandaang nagtatago si Ivler sa tahanan dahil may nakitang basang tuwalya, bagama’t walang nakitang sinumang ibang tao sa bahay nakaliligo lamang. Umasa ang NBi na mapayapa nilang mapasusuko si Ivler, subalit pinaputok umano niya ang kanyang barul mula sa silong, kung saan siya nagtatago, bago pa man buksan ang pinto. -GMANews.TV