Mitra diniskuwalipika ng Comelec; Miriam, Osmena III lusot
MANILA â Diniskuwalipika ng First Division on Commission on Elections (Comelec) bilang kandidatong gobernador ng Palawan si Rep Abraham Khalil Mitra (2nd District) sa darating na halalan sa Mayo. Samantala, ibinasura naman ng first division ang petisyon kontra sa mga kandidatong senador na sina re-electionist Sen Miriam Defensor-Santiago at dating Sen Sergio Osmeña III. Sa ipinalabas na desisyon ng Comelec nitong Miyerkules, idineklarang nabigo si Mitra na patunayan na residente ito sa bayan ng Aborlan, Palawan. Napag-alaman na dating residente ng Puerto Princesa ang kongresista at nagpalipat sa Aborlan noong 2009. Si Mitra ay kandidatong gobernador ng Liberal Party sa Palawan. Kapatid niya si Ramon Mitra III na kandidatong senador sa Nacionalista Party. Una rito, inireklamo ni election lawyer Sixto Brillantes sa Comelec ang pagkalat umano sa Palawan ng draft resolution tungkol sa kaso ni Mitra. Nagpahayag umano ng pagkabahala ang kanyang kliyenteng si Mitra na posibleng may nangyayaring iregularidad sa pagdinig ng kanyang kaso. Gayunman, sinabi ni Commissioner Gregorio Larrazabal, kasapi ng First Division, na nakita na rin niya ang sinasabing draft resolution pero ngunit umano ito katulad ng inilabas nilang desisyon. Iniimbestigahan na rin umano ng Comelec ang naturang usapin pero nais din nilang malaman kung saan nakuha ni Brillantes ang kopya ng draft decision. "I would like to ask Atty. Brillantes how he got a copy and who gave Cong. Mitra a copy of that one," ayon kay Larrazabal. "Rest assured when we decide on cases we decide on merits." Hindi pa pinal ang desisyon ng first division laban kay Mitra dahil maaari pa niya itong iapela sa Comelec en banc at maging sa Supreme Court. Miriam, Osmeña III lusot Samantala, ibinasura ng First Division ang disqualification cases na inihain kina Sen Santiago, guest candidate ng NP, at Osmeña III na guest candidate naman ng LP. Sa magkahiwalay na resolusyon, idineklara ng naturang debisyon ng Comelec na walang merito ang reklamong inihain sa dalawang kandidatong senador. Una rito, pinapadiskuwalipika ni Atty Nombraan Pangcoga sa halalan si Santiago dahil sa pagkakaroon ng âunsound mind" umano ng senadora at âunparliamentary" conduct. Hinihinala naman ni Santiago na ang petisyon laban sa kanya ay pakana ng kanyang kalaban sa pulitika na si Interior and Local Government Secretary Ronaldo Puno. Samantala, ang kaso laban kay Osmena ay katulad ng kasong inihain kay dating Sen Franklin Drilon ng isang Atty Vladimir Alarique Cabigao. Hindi umano dapat payagang tumakbo sa darating na halalan ang dalawa dahil sakop pa sila ng âone term, or six years" ban ng mga nahalalan na national official. Nagtapos ang termino ng dalawa bilang senador noong 2007, makaraang mahalal noong 1995. Ngunit paliwanag ni Cabigao, dapat anim na taong magpahinga sina Osmena at Drilon at sa 2013 elections pa sila dapat payagang tumakbo. Bagaman nadisisyunan na ang kaso ni Osmena, nakabinbin pa sa First Division ang kaso ni Drilon. - GMANews.TV