ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Lapid ‘di nanalong gov sa Pampanga, ayon sa Comelec


MANILA – Iginiit ng Commission on Elections (Comelec) nitong Biyernes na si Lilia Pineda, at hindi ang dating gobernador ng Pampanga na si Mark Lapid ang nanalo sa isinagawang recount ng mga boto noong 2007 elections. Ayon kay Comelec Commissioner Nicodemo Ferrer, posibleng nagkaroon ng maling “arithmetic" kaya may nag-akala na si Lapid – anak ni re-electionist Senator Lito Lapid – ang nanalo at umano’y nakakuha ng kabuuang 210,875 boto. Sa ipinalabas na desisyon ng Second Division ng Comelec noong Pebrero 11, pinatalsik sa puwesto si Pampanga Gov. Ed Panlilio makaraang lumitaw sa recount na nakakuha lamang ito ng 188,718 boto kontra sa 190,729 boto ni dating provincial board member Pineda – o kalamangan ng 2,011 boto.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Sa kaso ng umano’y nakuhang boto ni Lapid, hinihinala ni Ferrer na posibleng pinagsama ang mga boto nina Panlilio at Pineda, at saka ibinawas sa bilang ng mga botante sa Pampanga, at ang resulta ang ipinalagay na boto ni Lapid. Ngunit paliwanag ni Ferrer, hindi ganito ang sistema ng ginagawang recount ng Comelec para alamin kung sino ang tunay na nanalo sa halalan. Aniya, masusi nilang nirerebisa at binibilang ang bawat boto ng mga kinukuwestiyong balota. Hindi nagreklamo Hindi kagaya ni Pineda, hindi naghain ng petisyon sa Comelec si Lapid laban sa pagkapanalo ni Panlilio noong 2007 elections. Dahil dito, hindi na puwedeng maghabol si Lapid, bukod pa sa malapit na ang susunod na eleksiyon. Sa panayam ng GMA News, sinabi ni Lapid na hindi niya alam kung saan nanggaling ang balitang siya ang tunay na nanalo sa Pampanga. Nabalitaan lang umano niya ito sa media.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nang tanungin si Lapid kung bakit hindi naghain noon ng petisyon, sinabi ng opisyal na ayaw niyang akusahan na nagsa-sour-graping sa pagkatalo. "Hindi po ako ang nag-file ng protest kasi karamihan ng sinasabi ng natatalo ay ‘talagang dinaya po.’ Ayaw kong gamitin ang linya na iyon," paliwanag ni Lapid, kasalukuyang general manager ng Philippine Tourism Authority. "Ako maluwag kong tinanggap [ang pagkatalo ko] kasi ang sabi nila ‘pag hindi ka gusto ng tao wala kang magagawa. Iyon ang pananaw ko pagkatapos ng 2007 elections," idinagdag niya. Sa ngayon ay wala pang desisyon si Lapid kung babalik muli sa pulitika sa Pampanga. - GMANews.TV