ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Temperatura umabot sa 34.5 Celsius: Mainit na panahon inaasahang titindi pa


MANILA – Naitala nitong Miyerkules ang pinakamainit na temperatura sa bansa na umabot sa 34.5 degrees Celsius, at inaasahang titindi pa ang sikat ng araw bunga ng nararanasang El Nino phenomenon. Sa panayam sa radyo nitong Huwebes, sinabi ni Elvie Enriquez, weather forecaster ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), naitala ang 34.5-degree temperature dakong 1:50 p.m. nitong Miyerkules. "Ang pinakamainit na naitala [ay] 1:50 p.m. So far 'yan ang pinakamainit ngayong summer," pahayag ni Enriquez sa dzBB radio. Sa hiwalay na panayam sa dzXL radio, sinabi ni dzXL na inaasahan nila na titindi pa ang init sa mga darating na araw ngayon panahon ng tag-init. Pinayuhan ni Enriquez ang publiko na iwasang mababad sa init ng araw sa pagitan ng 10 a.m. hanggang 2 p.m. Dapat umanong maglagay ng proteksiyon sa mata at balat ang mga hindi maiiwasang lumakad sa ilalim ng sikat ng araw. Sa pagtaya ng Pagasa, aabot ang temparatura sa Metro Manila hanggang Marso 1 mula 24 hanggang 34 degrees.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Panalangin sa ulan Dahil sa matinding init, naghahanda na ang Simbahang Katoliko na magsagawa ng espesiyal na panalangin upang umulan o kung tawagin ay Oratio Imperata. Sa panayam ng Radio Veritas nitong Huwebes, sinabi ni Isabela, Basilan Bishop Martin Jumoad na isang parokya sa lalawigan ang magsasagawa ng sama-samang panalangin upang ipagdasal na umulan. Marami na umanong magsasaaka ang naapektuhan ng matinding pagtuyo at marami na rin ang hindi nakakain ng sapat. “Kawawa talaga sila, mismong mga patubigan ay tuyot na. Kaya we are appealing to the government especially to the DSWD (Social Welfare) at DA (Agriculture) na sana bigyan nila ng pagkain at bigas ang mga magsasaka dito," panawagan ng obispo. Hiniling din ni Jumoad sa Catholic Bishops Conference of the Philippines na ipatupad na ang panalangin ng oratio imperata sa buong bansa dahil sa malawak na epekto ng El Nino sa mga magsasaka. - GMANews.TV