ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Pangarap ng OFW nauwi sa bangungot


Itinuturing ng isa sa 84 overseas Filipino workers (OFWs) na dumating sa Pilipinas na nauwi sa bangungot ang kanyang pinangarap na makapagtrabaho sa ibang bansa nang magsilbi sa isang prinsesa sa Saudi Arabia. Sa ulat ni GMA News reporter James Velasquez, sinabing labis-labis ang pasasalamat ni Jeannette dela Cruz sa pamahalaan sa ibinigay na tulong ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) upang makabalik sila sa Pilipinas makaraan ang ilang buwan na paghihintay. Kabilang si Dela Cruz, nagtrabaho umano sa isang prinsesa, sa 84 OFWs at 30 mga bata na dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 nitong madaling araw ng Miyerkules. “Ang pagkain namin dalawang tinapay sa umaga, kami rin ang bumibili ng needs namin…verbal abuse sinisigawan kami then pinagbantaan kaming papatayin," kuwento ni Dela Cruz sa ulat ng primetime news cast ng 24 Oras nitong Miyerkules.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Ayon sa ulat, ilang sa mga dumating na OFWs ay hindi sumasahod ng sapat o hindi sumasahod sa tamang oras. Habang ang iba naman pinagmupitan umano ng kanilang mga amo. Ang naturang mga karanasan ang dahilan kaya pinag-iibayo umano ng OWWA ang kanilang tulong para maiuwi ang mga OFWs. “Siyempre masakit din sa kalooban mo na kababayan mo na ganun ang sinasapit sa ibang bansa, masakit sa amin yun. Kaya hanggang makakaya namin ay tinutulungan (naming) silang lahat," pahayag ni Ed Bellida, pininuo ng advocacy and social marketing ng OWWA. Sa kabila nito, mahigit 300 Pilipino pa sa Saudi ang hindi pa makauwi dahil hindi pa kumpleto ang kanilang mga papeles. Tiniyak naman ng OWWA na gagawin nila ang lahat para makabalik na sa Pilipinas ang mga na-stranded na Pinoy. Sa hilaway na ulat ng dzBB radio, sinabi ni OWWA chair Carmelita Dimzon na nagkakaroon din ng problema sa papeles ng ilang stranded na OFWs sa Saudi immigration authorities. Napapauwi lamang ang mga OFW kapag pumayag na ang kanilang mga amo na hayaan na silang makaalis at hindi magsasampa ng reklamo dahil hindi na natatapos ang kanilang kontrata. – FRJ/GMANews.TV