ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Senatoriable ni Gibo saksi sa pagwawala ng dayuhan sa loob ng eroplano


MANILA – Nalagay sa peligro ang buhay ng mahigit 100 pasahero ng Philippine Airlines (PAL) Airbus A320 na biyaheng Cebu – kabilang ang isang kandidatong senador - nang magwala ang isang dayuhang sakay nito at piliting basagin umano ang bintana ng eroplano habang nasa himpapawid. Ayon sa broadcaster na si Rey Langit, senatorial candidate ng Lakas-Kampi-CMD, nasaksihan niya ang mga pangyayari sa PR 843 na patungong Cebu nitong Biyernes ng umaga. Nakatakda sanang dumalo si Langit sa isang pagtitipon ng mga manggagawa sa Waterfront Hotel sa nabanggit na lalawigan. Sa panayam ng media, sinabi ni Langit sa malaki ang dayuhan na batay sa impormasyon ng mga stewardess ay isang Amerikano at nagngangalang Rex Hampton, 80-anyos. Gumagamit na rin umano ng tungkod sa paglalakad ang dayuhang na siyang ipinalo nito sa bintana ng eroplano na gawa sa fiberglass. Patuloy ni Langit, isa sa mga pambatong senador ni administration presidential bet Gilberto “Gibo" Teodoro," nakaupo siyaa seat 37 habang nasa seat 39 ang dayuhan na nakapuwesto katabi ng bintana. “Parang gustong magsu-suicide at gusto kaming idamay lahat. Mabuti hindi nasira ang outer fiber-glass dahil tiyak na ma-decompressurized ang eroplano at maraming mamamatay," kuwento ni Langit. Kaagad na dinakip ng Police Center for Aviation Security (PCAS) si Hampton paglapag ng eroplano sa paliparan ng Cebu at mamaharap siya ibat-ibang demenda. Napag-alaman na galing si Hampton sa malayong biyahe sa Portland, Oregon bago sumakay muli ng eroplano sa Maynila patungong Cebu. Sinasabing nag-away si Hampton at ang kasama niyang Pilipina na nagngangalang Juvelyn, habang nasa eroplano na naging dahilan ng pagwawala ng dayuhan. “Hindi naman niya ( Hampton ) sinaktan ang kababayan nating babae na kasama niya, pero ayaw ring magsalita sa mga awtoridad pagdating namin sa Cebu (kung ano ang pinag-awayan nila)," ayon kay Langit. Pinuri naman ni Langit ang kapwa pasahero na pinapaniwalaan niyang overseas Filipino worker (OFW) na siyang unang sumunggab sa nagwawalang dayuhan para hindi nito tuluyang mabasag ang bintana. “Mabuti na lamang at alerto ang isang OFW at pinigilan siya at tumulong ang iba pang mga pasahero. Gusto ngang gulpihin ng mga pasahero ang dayuhan kasi talagang na-trauma lahat," ayon kay Langit. Nang mapayapa umano si Hampton, ipinuwesto ito sa gitnang bahagi ng eroplano habang binabantayan ng mga lalaking pasahero hanggang makalapag ang sasakyang sa paliparan ng Cebu. - GMANews.TV