ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Online Visita Iglesia: Lumang tradisyon sa modernong panahon


MANILA – Tuluyan na kayang baguhin ng modernong teknolohiya ang lumang tradisyon ng pamamanata ng mga Katoliko tuwing Semana Santa na Visita Iglesia sa kasalukuyang panahon? Nitong Sabado ng umaga, umabot na sa 40,000 ang “bumisita" sa inilagay na online Visita Iglesia ng Catholic Bishops' Conference of the Philippines (CBCP). Layunin nito na bigyan ng pagkakataon ang mga Pinoy na nasa ibang bansa at mga may karamdaman na hindi na makalabas ng bahay na maipagpatuloy ang kanilang tradisyon. Ang tradisyon na Visita Iglesia ay pagpunta sa pitong simbahan tuwing Huwebes Santo para magdasal.
Inamin ng pamunuan ng CBCP na hindi nila napaghadaan ang pagdagsa ng mga bumisita sa virtual Visita Iglesia na nasa website din ng CBCP nagkaroon ng pagbagal o tuluyang hindi na mabuksan ang kanilang mga pahina. “We’re not prepared for such big viewership. But we are trying to make bandwidth adjustments," ayon kay CBCP spokesman Msgr. Pedro Quitorio III. Naganap ang pagdaksa ng mga bumista sa online Visita Iglesia nitong Huwebes at Biyernes Santo. Makikita rito ang microsite na online Visita Iglesia na kinapapalooban ng pitong simbahan sa Metro Manila na maaaring “bisitahin" ng mga nag-i-Internet. Kabilang sa mga simbahan na maaaring “pasukin" ay ang Manila Cathedral, San Agustin Church, Minor Basilica of the Black Nazarene (Quiapo Church), San Lorenzo Ruiz Church (Binondo Church), Santo Niño de Tondo Church, Nuestra Señora de Remedios sa Malate, Manila, at Our Lady of Perpetual Help Shrine sa Parañaque City. Mayroong dasal na maaaring basahin sa bawat simbahan at kung nais may kasabay sa pagdarasal ay puwedeng pindutin ang audio recording. Bago ang paglulunsad ng online Visita Iglesia, mariin ang panawagan ng CBCP na hindi para sa mga tinatamad magsimba ang naturang proyekto. - GMANews.TV