ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Querubin binuweltahan ang LP sa pagtawag sa NP na maka-komunista


MANILA – Kinastigo ni Nacionalista Party (NP) senatorial candidate Ariel Querubin (dating Marine colonel) ang kampo ni Liberal Party presidential bet Benigno “Noynoy" Aquino III, dahil sa pag-akusa na maka-komunista ang partidong sinamahan niya. Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Querubin, nakapiit dahil sa kasong mutiny, na sumama siya sa kampo ni Villar dahil naniniwala siya sa plataporma ng NP upang lutasin ang problema ng kahirapan sa bansa. Iginiit ng dating opisyal ng militar na kahirapan ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit marami ang sumama sa hanay ng mga rebelde at nag-aaklas laban sa pamahalaan. “Having seen Sen. Villar makes the effort to resolve insurgency by addressing its root cause and bring about peace, ikinokonsidera namin siyang pag-asa ng ating sundalo at mamamayan," ayon kay Querubin. Naniniwala umano ang nakapiit na dating sundalo na hindi “pro-communist" si Villar kundi “anti-poverty, at pro-Filipino." Pinasaringan din niya si Aquino sa nangyaring madugong protesta ng mga magsasaka sa Hacienda Luisita sa Tarlac na pag-aari ng mga Cojuangco-Aquino kung saan may mga namatay na magsasaka. “He [Villar] will not massacre poor farmers just to protect his land. He is also the only candidate with a pro-military and police program," pahayag ni Querubin sa hiwalay na text message nitong Huwebes. Nanindigan si Querubin na hindi magiging solusyon sa problema ng insurehiya ng bansa ang pagkitil sa buhay ng mga taong nakikipaglaban umano sa kanilang karapatan sa lupa at hustiya. “Napatunayan na hindi epektibong solusyon ang genocide policy sa ilang dekadang problema (sa insurgency). Walang ibang solusyon sa problema kundi tapusin ang kahirapan upang wala ng mag-aaklas na Pilipino laban sa pamahalaan," paliwanag ni Querubin na tumanggap ng Medal of Valor award, pinakamataas na parangal sa militar. Nitong Huwebes, kinuwestiyon ni Atty Edwin Lacierda, tagapagsalita ni Aquino, kung bakit patuloy na nanahimik si Querubin sa suportang ibinigay umano kay Villar ng lider ng mga komunistang rebelde na si Jose Maria Sison, founder ng Communist Party of the Philippines (CPP). "One has to wonder - why does Colonel Querubin remain ignobly silent on this pact? Where is that valiant voice of indignation now that Villar has decided to sleep with the lawless elements?" pahayag ni Lacierda. Ang suporta umano ni Sison ay patunay sa “transactional alliance" ng NP sa CPP-NPA. Nasa senatorial slate din ng NP ang mga kilalang “militanteng mambabatas" na sina dating party-list Reps. Satur Ocampo (Bayan Muna) at Liza Maza (Gabriela). Si Ocampo ang dating tagapagsalita ng National Democratic Front (NDF). Wala namang pormal na deklarasyon si Sison sa pagsuporta sa kandidatura ni Villar bagaman sa isang ulat ay inihayag nito na ang pambato ng NP ang may mas magandang plataporma kumpara sa ibang kandidato. Ayon kay Querubin, nakahanda siyang umalis sa NP kapag may naglabas ng katibayan sa alyansa ng NP at sa grupo ng rebeldeng komunista. - GMANews.TV