Pangunahing destinasyon ng mga OFW
Noong 2008, sinasabing umabot sa 2 milyon ang bilang ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na nagtrabaho sa ibang bansa. Alam nyo ba kung saang bansa ang naging pangunahing destinasyon nila at kung saang bahagi ng Pilipinas sila nagmula? Sa talaan ng National Statistics Office (NSO), sinabing mula Abril hanggang Setyembre 2008 ay umabot sa 2 milyon ang bilang ng mga OFW. Ang naturang bilang ay mas mataas ng 14.6 percent kumpara sa datos ng mga migranteng manggagawa na naitala noong 2007 sa parehong panahon. Lumitaw na isa sa bawat limang OFW ay nagtrabaho sa Saudi Arabia, na siyang naging pangunahing destinasyon ng mga migranteng manggagawa. Sumunod naman dito ang United Arab Emirates, Singapore, Hong Kong, Japan, Qatar at Taiwan. Pinakamaraming OFW (18.4 percent) ay nanggaling sa region 4-A o Calabarzon area (Cavite, Laguna, Batangas, Quezon). Sumunod naman ang Central Luzon (14.5%), at pangatlo ang National Capital Region (14.0%). Pinaka-kaunti naman ang OFW na nanggaling sa Caraga region na mayroon lang 1.2 percent. - Fidel Jimenez, GMANews.TV