ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Tanggapan ng Comelec sa Obando, Bulacan sinunog


MALOLOS CITY, Bulacan — Dalawang lalaki na nakasakay sa motorsiklo ang itinuturong nasa likod ng pagsunog sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa bayan ng Obando sa lalawigan ito nitong Lunes ng gabi. Kabilang sa mga napinsala sa sunog ang certified voters list (CVL), voters registration report (VRR), at mga sample ballot na gagamitin sana sa isasagawang mock elections. Gayunman, tiniyak ang provincial office ng Comelec na hindi makakaapekto ang insidente sa isasagawang halalan sa Mayo 10 dahil mayroon silang kopya ng CVL, VRR, at mga sample ballot. Sa panayam kay Superintendent Absalom Zipagan, Bulacan provincial fire marshall, sinabi nito na nagsimula ang sunog dakong 11:20 p.m. nitong Lunes at tumagal lang ng mahigit 30 minuto. Tinatayang aabot naman sa P5,000 ang napinsalang ari-arian bukod sa listahan ng mga botante at iba pang materyales na gagamitin sana sa halalan. Inihayag naman ni Senior Supt. Fernando Villanueva, acting provincial police director ng lalawigan, na dalawang lalaki na nakasakay sa isang motorsiklo ang itinuturong nasa likod ng pagsunog sa tanggapan ng Comelec. Batay sa kuwento ng mga saksi, nakita ang dalawang hindi nakilalang suspek na bumaba ng motorsiklo at sinilaban ang pintuan ng tanggapan ng Comelec gamit ang likido na pinapaniwalaang gas. Tiniyak naman ni Atty Sabino Mejarito, election supervisor sa Bulacan, na hindi makakaapekto sa halalan sa Mayo 10 ang insidente dahil may iba pa silang kopya ng listahan ng mga botante para malaman ng tao kung saan sila boboto. - GMANews.TV