ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

‘May shocker’ ipinangako ng Lakas-Kampi-CMD


MANILA – Inihayag ng isang opisyal ng Lakas-Kampi-CMD nitong Huwebes na lilikha ng kasaysayan sa larangan ng pulitika ang magiging panalo ng kanilang pambato na si Gilbert “Gibo" Teodoro Jr sa Mayo 10. Ayon kay Ray Roquero, secretary general ng Lakas-Kampi, ipapadala nila ang huling mensahe sa publiko para iboto si Teodoro sa isasagawang meeting de avance ng administrasyon sa Rizal Memorial Stadium sa Biyernes ng gabi. “We will deliver the shocker on May," pagtiyak ni Roquero nang tanungin ng media sa isang forum sa Quezon City tungkol sa tiyansang manalo ng kanilang mga kandidato. Sa mga nakaraang survey ng Pulse Asia at Social Weather Station, nananatili sa pang-apat na puwesto si Teodoro at hindi umaabot sa double digit ang kanyang marka. Maging sina Lakas-Kampi senatorial candidates Rey Langit, Raul Lambino at Silvestre Bello III ay kumpiyansang makakapasok sa “Magic 12" sa tulong ng makinaryang politikal ng partido. Ang simultaneous meeting de avance na isasagawa rin sa ilang piling lugar sa bansa ay pinamahalaan mismo ng asawa ni Teodoro na si Tarlac Rep. Monica Louise "Nikki" Teodoro. Inaasahang darating sa pulong ang bise presidente ni Teodoro na si Edu Manzano, at anim na kandidatong senador na kinabibilangan din nina reelectionist Senators Ramon Revilla Jr. at Manuel Lapid at Binalonan City, Pangasinan Mayor Ramon Guico. Ang award-winning film director na si Jose Javier Reyes, na tagasuporta ni Teodoro, ang maggigiya sa pagtitipon. Aniya, hindi lang sa mga kandidato mahalaga ang meeting de avance kundi maging sa mga taong naglaan ng panahon para suportahan si Teodoro. Ayon kay Mike Toledo, tagapagsalita ni Teodoro, darating sa pagtitipon ang ilang mga kandidatong lokal opisyal sa ibang mga lalawigan, at mga alkalde sa mga lungsod para ipakita ang puwersa bago ang halalan sa Mayo. Sinabi ni Daisy Bardoquillo, tagapagsalita ng “Green Army," na umaasa silang magbubunga ang ginawa nilang pagpunta sa mga bahay sa urban poor areas sa Metro Manila para kay Teodoro. Samantala, sa Marikina City naman nagsagawa ng meeting de avance ang tambalan nina presidential bet Richard Gordon at running mate nitong si Bayani Fernando. - GMANews.TV