ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Liquor ban mahigpit na ipatutupad ng PNP sa May 9-10


MANILA – Nagbabala ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na mahigpit nilang ipatutupad ang “liquor ban" sa araw ng halalan simula sa Linggo (Mayo 9). Sa panayam ng isang himpilan ng radyo nitong Biyernes, sinabi ni Chief Superintendent Leonardo Espina, tagapagsalita ng PNP, na bawal ang magbenta at uminom ng nakalalasing na inumin sa Mayo 9 at 10. ""May 9 and 10 mahigpit naming ipatutupad ito. Bawal ang pag-inom," deklara ni Espina sa panayam ng dwIZ radio. Ang mga mahuhuling lalabag sa liquor ban ay maaaring makulong ng isa hanggang anim na taon. Sa Section 261 ng Omnibus Election Code, nakasaad na ang mga puwedeng dakpin na lalabag sa liquor ban ay: "any person who sells, furnishes, offers, buys, serves or takes intoxicating liquor on the days fixed by law for the registration of voters in the polling place, or on the day before the election or on election day." Simula nitong Miyerkules ay inilagay na sa full red alert ng PNP ang buong 130,000 puwersa nito para sa idaraos na kauna-unahang automated elections sa bansa sa Lunes. Samantala, ang mga establisemyento na sertipikado ng Department of Tourism bilang lugar na puntahan ang mga dayuhang turista ay maaaring hindi isama sa liquor ban. Ngunit kailangan pa ring kumuha ng awtorisasyon mula sa Commission on Elections ang mga establisimyentong ito para magsilbi ng nakalalasing na inumin sa kanilang mga turistang parokyano. Bukod sa PNP, kasamang magpapatupad ng liquor ban ang National Bureau of Investigation (NBI), Regional Election Directors, Provincial Election Supervisors, Election Officers at ang Laws Enforcement Team ng Comelec. Tiniyak ni Espina na nakahanda na ang puwersa ng pulisya para ipatupad ang kaayusan sa araw ng halalan. Kabilang na rito ang paghahatid ng mga precinct count optical scan (PCOS) machine sa mga lugar kung saan gaganapin ang botohan. "All systems go na tayo. Na-secure ang lahat na kailangan i-secure. Ang PCOS machines, 98% na ang aming nai-deliver from warehouse to the hubs," pahayag ng opisyal. Nakahanda na rin umano ang mga security assistance desks na tatauhan ng mga miyembro ng PNP at Armed Forces na nasa layong 50 metro sa mga voting center. Hinikayat ni Espina ang publiko na kung kailangan ang tulong o may ibibigay na mahalagang impormasyon ay huwag mag-atubiling tumawag sa PNP hotline na Patrol 117, o kaya ay sa telepono bilang 7229585 at 4123227, o mag-text sa 2920. - GMANews.TV