ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Halalan sa Lunes imomonitor ni Arroyo


MANILA – Personal umanong tututukan ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang kauna-unahang automated elections sa Lunes, ayon sa isang tagapagsalita sa Malacanang. Sa panayam ng dzRB radio nitong Sabado, sinabi ni Deputy presidential spokesman Rogelio Peyuan, na magtutungo muna si Gng Arroyo sa Lubao, Pampanga sa umaga ng Lunes para bumoto at kaagad na babalik sa Malacanang. Bukod sa pagboto sa Pampanga kung saan kandidatong kongresista ang pangulo sa ikalawang distrito, sinabi ni Peyuan na dadalo rin sa misa si Gng Arroyo upang ipanalangin na maging mapayapa ang gaganaping eleksiyon. “Boboto siya sa kanyang presinto (at) naniniwala ako babalik ito sa Malacañang para i-monitor ang kaganapan sa buong bansa," pahayag ni Peyuan. “Normally maaga bumoboto ang presidente," idinagdag niya. Inaasahang sisimulan ang botohan sa Lunes ganap na 7 a.m. at magtatapos sa 6 p.m. Sinabi ng tagapagsalita ng Malacanang na kaisa ng sambayanan si Gng Arroyo na mananalangin para maging matagumpay ang kauna-unahang modernong paraan ng halalan sa Pilipinas. “Naging kagawian niya paggising sa umaga dumalo sa misa, at maghandog (siya ng) ng dasal para sa mapayapang halalan," ayon kay Peyuan. Nais din umano ni Gng Arroyo na maging maagap ang Commission on Elections, Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines sa pagkilos upang maayos ang mga uusbong na problema sa araw ng halalan. Dahil sa posisyon nito sa gobyerno, inaasahan na mananalo si Gng Arroyo bilang kongresista sa Pampanga, na dating hawak ng kanyang anak na si Rep. Juan Miguel “Mikey" Arroyo. Bagamat nagbigay-daan sa kanyang ina, maaari pa ring bumalik sa Kongreso si Mikey dahil nominado ito bilang kinatawan ng isang party-list group para sa mga security guard at tricycle driver. Hinihinala ng mga kritiko ng administrasyon na ang pagtakbo ni Arroyo bilang kongresista ay taktika lamang para makabalik sa kapangyarihan. – GMANews.TV