ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Noynoy nag-presscon sa punerarya; handang manumpa sa brgy capt


TARLAC CITY - Hindi inaasahan ng mga mamamahayag na magsasagawa ng pulong balitaan sa loob ng isang punerarya ang nangungunang presidential candidate na si Senador Benigno “Noynoy" Aquino III. Kasama ang kanyang running mate na si Sen Mar Roxas, nakiramay si Aquino sa chief of staff ng kanyang kapartido sa Liberal Party na si Cavite Rep. Joseph Emilio Abaya na napaslang sa Cavite. Ang mga labi ni retired Col Arnulfo Obillos ay nakalagak sa Enriquez Funeral Homes sa bayang ito. Kabilang si Obillos sa dalawang tauhan ng mga Abaya na binaril at napatay ng mga pulis sa Cavite noong araw ng halalan. Sa halip na maghanap ng ibang lugar para makapagsagawa ng press conference, ginawa na lamang ng mga tauhan ni Aquino na ayusin ang chapel sa punerarya upang doon na lamang magpunta ang media. Sa naturang presscon, nanawagan sina Aquino, Roxas at Abaya ng hustisya sa kanilang mga pinaslang na tauhan. Iginiit ni Abaya na biktima si Obillos sa nangyaring barilan taliwas sa akusasyon ng mga pulis na ito ang nagpasimula ng kaguluhan. Manunumpa sa kapitan ng barangay Kasabay nito, nanindigan si Aquino na kapag nanalo siyang pangulo ay hindi siya manunumpa kay Associate Justice Renato Corona kapag tuluyan itong naupo bilang Chief Justice ng Supreme Court batay sa ginawang paghirang ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo. Naging tradisyon na ang panunumpa sa tungkulin ng mga bagong pangulo sa mga chief justice ng Korte Suprema. Sinabi ni Aquino na handa siyang manumpa kahit sa kapitan ng barangay sa kanyang lalawigan sa Tarlac. Hindi naman umano nakasaad sa Konstitusyon na tanging sa chief justice lang puwedeng manumpa ang isang pangulo. “In all probability I am waiting for my lawyers’ opinion but it will probably be before the barangay captain of Tarlac," pahayag ni Aquino, residente sa Barangay Central sa Tarlac City. Sinabi pa ni Aquino na hindi niya nais na manumpa sa isang punong mahistrado na pinili ni Arroyo sa kabila ng mga legal na katanungan kung naayon ito sa batas. Nakatakdang maupo si Corona bilang chief justice sa Mayo 17 kung kailan magreretiro ang kasalukuyang punong mahistrado na si Justice Reynato Puno. “At the very least I think his appointment will be questioned at some future time. Those who chose to side with the opinion that the president cannot appoint also excused themselves from nomination. At the end of the day I do not want to start out with any questions upon assumption of office," ayon kay Aquino. - GMANews.TV