ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

9 na nanalong senador proklamado na


MANILA – Naiproklama na nitong Sabado ng Commission on Elections ang siyam sa 12 senador na nanalo sa makasaysayang unang automated elections sa Pilipinas. Maliban kay Ferdinand “BongBong" Marcos Jr., pawang mga dating mukha sa Senado ang walo sa nagwagi at babalik sa kapulungan upang makasama ng 12 naiwang senador. Kasama ni Marcos (Nacionalista Party) na naiproklama sina reelectionist Sens Ramon “Bong" Revilla Jr (Lakas-Kampi), Jinggoy Estrada (Partido ng Masang Pilipino), Miriam Defensor Santiago (Peoples Reform Party-NP), Juan Ponce Enrile (PMP), at Pia Cayetano (NP). Nagbabalik Senado naman sina Franklin Drilon (Liberal Party), Ralph Recto (LP)at Vicente “Tito" Sotto (Nationalist Peoples Coalition). Makakasama ng mga nanalong kandidato ang naiwang 12 senador na sina Sens Manny Villar, Loren Legarda, Edgardo Angara, Joker Arroyo, Alan Peter Cayetano, Francis Escudero, Gregorio Honasan, Panfilo Lacson, Francis Pangilinan, Antonio Trillanes, at Juan Miguel Zubiri.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV Nitong Huwebes, sinabi ni Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal na hihintayin muna nila ang pagdating lahat ng certificates of canvass bago nila ipoproklama ang maiiwang tatlong nanalong senador at mga party-list group. Sa huling bilang ng mga boto, ang nalalabing tatlong puwesto sa Senado ay inuukupahan nina Sergio Osmena III (Independent), reelectionst senator Manuel Lapid (Lakas-Kampi), at Bukidnon Rep. Teofisto Guingona III (LP). Nasa-ika 13 puwesto naman Akbayan Rep. Risa Hontiveros-Baraquel (LP), kasunod sina Muntinlupa Rep. Rozzano Biazon (LP) at Jose "Joey" de Venecia III (PMP). Ang mga bagong senador ay manunungkulan ng anim na taon o hanggang 2016 simula sa Hulyo 1, 2010. Sinabi ni Larrazabal na ang proklamasyon ng siyam na bagong senador nitong Sabado ay posibleng isa na sa mga pinakamabilis na proklamasyon sa kasaysayan ng Pilipinas. Noong 2004, umabot ng dalawang linggo bago nakompleto ng Comelec ang pagdeklara sa 12 nanalong senador. Samantala, sa partial unofficial tally ng GMA News sa mga grupong sumali sa partylist elections, nangunguna dahil sa mahigit isang milyong boto ang Ako Bicol Political Party; Coalition of Associations of Senior Citizens in the Philippines; at Buhay Hayaang Yumabong. Mahigit sa kalahating milyon pataas naman ang nakuha ng Akbayan, Gabriela, Coop-Natcco, Bayan Muna, ABONO, 1ST Consumer Alliance for Rural Energy, CIBAC, at Advocacy for Teacher Empowerment though Action Cooperation and Harmony towards Educational Reforms. - GMANews.TV