ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Party-list group na suportado ng El Shaddai ipinapadiskuwalipika


MANILA – Hiniling sa Commission on Elections (Comelec) na idiskuwalipika ang party-list group na Buhay na sinusuportahan ng religious group na El Shaddai ni Bro. Mike Velarde. Sa petisyon na inihain nina James Mark Terry Lacuanan Ridon at Mary Joan Guan, iginiit nila na “religious sect" ang Buhay (Buhay Hayaan Yumabong) at hindi umano kumakatawan sa anumang marginalized sector na itinatakda sa batas. "Allowing Buhay’s continued registration and its nominees to sit in Congress deny the right to political participation and representation of the true party-lists representing the marginalized and the underrepresented," nakasaad sa siyam na pahinang petisyon ng dalawa. Nagpakilala si Ridon bilang isang student leader at human rights advocate, habang si Guan ay sinasabing feminist activist at kasalukuyang executive director ng Center for Women's Resources. Batay sa isinasagawang pagbilang ng Comelec sa mga boto para sa party-list groups, pangatlo ang Buhay sa mga grupo na nakakuha ng pinakamaraming boto. Nakakuha ang Buhay ng 1,249,555 boto, kasunod ng mga mangungunang Ako Bicol Political Party na may 1,522,986 boto, at Coalition of Associations of Senior Citizens in the Philippines na tumanggap ng 1,292,182 boto. Iginiit nina Ridon at Guan sa petisyon na nakasaad sa Section 6 ng Party-list System Act o Republic Act 7941, na pinapahintulutan ang pagtanggap at pagkansela ng, “any national, regional or sectoral party, organization or coalition that is "a religious sect or denomination, organization or association organized for religious purposes." "[This is] being blatantly disregarded by the continued registration and non-disqualification of Buhay which is clearly a religious organization," nakasaad sa petisyon. Nagpakilala ang Buhay na “pro-life " at magtataguyod para kapakanan ng mga sanggol sa sinapupunan, mga paslit, ina, may sakit, nakatatanda, may kapansanan, at mga hindi kayang protektahan ang kanilang sarili. Sa listahan ng mga nominee ng Buhay na posibleng maging kinatawan sa Kongreso, nakalista si Bro Mike Velarde bilang fifth nominee. First nominee naman ng grupo ang anak ni Bro Mike na si Mariano Michael. Noong 2001 elections, idiniskuwalipika ng Comelec ang Buhay dahil sa pagiging “extension" umano ito ng El Shaddai. Ngunit ang naturang desisyon ng Comelec ay binaligtad naman ng Supreme Court dahil sa kawalan umano ng katibayan noong 2003. — GMANews.TV