ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

CHED, DepEd pinakikilos sa kakapusan ng libro sa pasukan


MANILA – Kinalampag ng isang senador ang Department of Education (DepEd) at Commission on Higher Education (Ched) sa problema pa rin ng kakapusan ng libro sa mga paaralan na nakasasagabal sa pagtaas ng kalidad ng edukasyon sa bansa. Ayon kay Sen Edgardo Angara, pangunahin ang kakulangan ng libro kaya bumabagsak ang kalagayan ng edukasyon sa bansa na sagabal din sa pagpapayaman sa sektor ng lakas-paggawa. Ayon kay Angara, chairman ng Congressional Commission on Science and Technology and Engineering (COMSTE), na kailangang lutasin sa lalong madaling panahon ng mga nasa kinauukulan ang problema para mabigyan ng matinong edukasyon ang mga bata sa mga pampublikong paaralan. Batay umano sa ulat ng Commission on Audit noong 2008, mahigit P6 milyong halaga ng mga libro ang nasayang at hindi nagamit sa Central Visayas, at mahigit isang milyong textbooks pa ang naibasura noong 2007 sa nasabi ring rehiyon na umaabot sa mahigit P50 milyon ang halaga. Bilang isa sa mga tagapagsulong ng edukasyon sa bansa, sinabi ng senador na magiging prayoridad niya ang magkaroon ng sapat o higit pang mga aklat sa paaralan. Nitong mga nakalipas na buwan, nagsagawa ng book donation projects ang senador sa lalawigan nito sa Aurora Umaasa siyang makikiisa ang DepEd sa kanyang mga programa sa pamamagitan ng book donations isa ibat-ibang lalawigan ng Pilipinas. Sa ulat ng READ Philippines, sektor na nagsusulong sa edukasyon, karamihan sa mga hindi nakapag-aaral sa bansa ay ang mga naninirahan sa kanayunan. Una sa mga dahilan ang kakulangan sa mga gamit pampaaralan, kakulangan sa silid-aralan, guro at libro. Maging ang mga donasyong mula sa ibayong dagat ay hindi rin nakararating sa mga mas nangangailangang mag-aaral sa mga lalawigan, ayon sa pahayag ni Angara. Ang mga librong donasyon mula sa ibang bansa ay pinipili muna pagdating sa Metro Manila kaya iilan na lamang at napagpilian na ang nakararating sa mga kanayunan at lalawigan. “Responsibilidad ng gobyerno na palakasin ang sistemang pang edukasyon sa Pilipinas. Isa ito sa mga kritikal na suliraning dapat unahin ng bagong administrasyon," pahayag ni Angara. - GMANews.TV