Bayaning isinakdal sa pagpatay sa asawa
Kilala n’yo ba kung sino ang bayani ng bansa na nilitis sa korte dahil sa kasong pagpaslang sa kanyang asawa bunga umano ng labis na panibugho?
Sinasabing labis na selos ang nagtulak sa bayaning si Juan Luna para barilin ang kabiyak na si Maria de la Paz Pardo de Tavera sa kanilang tinitirhan sa Paris noong 1892.
Pinaghihinalaan umano ni Luna si Maria na mayroong kalaguyo. Bukod sa kanyang may-bahay, napaslang din ni Luna ang biyenan niyang babae. Dinakip siya ng mga awtoridad at nilitis sa nabanggit na krimen.

Pinapaniwalaan naman na nakatulong kay Luna ang kanyang katanyagan bilang pintor kaya napalaya siya sa kanyang kaso noong Pebrero 1893. Ngunit pinagbayad si Luna ng malaking danyos sa pagpaslang sa mga biktima.
Ang naturang krimen ay ikinunsidera ng korte bilang “crime of passion."
Isa sa mga sikat na obra ni Luna ay ang Spolarium na ipinadala sa Exposición Nacional de Bellas Artes sa Madrid noong 1884. Sa husay ng kanyang obra, tumanggap si Luna ng parangal na tatlong gintong medalya.
Si Luna ay isinilang sa Badoc, Ilocos Norte noong Oktubre 23, 1857. Pumanaw siya noong Disyembre 1899 sa Hong Kong dahil sa atake sa puso.
Hinihinala na labis na dinamdam ni Luna ang ginawang pagpatay sa kanyang kapatid na si General Antonio Luna, na isa ring bayani.
Si Gen Luna ay "tinambangan" at brutal na pinaslang ng mga kapwa sundalong Pilipino mula sa Kawit, Cavite nang magtungo ito sa Cabanatuan, Nueva Ecija noong Hunyo 1899. - FRJ, GMANews.TV