ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Kapatid inambush din pero nakaligtas: Negosyante niratrat sa kotse sa Cebu, patay
CEBU CITY â Patay ang isang negosyante sa lalawigan ng Cebu matapos siyang tambangan at pagbabarilin ng hindi kilalang suspek habang nasa loob ng minamanehong kotse nitong Martes ng hapon. Naganap ang pagpatay kay Manuel Ting, 72-anyos, halong isang araw lang makaraang tambangan din ang kanyang kapatid na si Nicolas sa Mandaue City noong Lunes ng gabi. Pauwi na umano si Manuel sa kanyang bahay mula sa negosyo nitong hardware at furniture store sa Brgy Mambaling nang maganap ang krimen. Batay sa imbestigasyon ng pulisya, naipit sa trapiko sa Brgy Tisa ang minamanehong Mercedes Benz ng biktima nang biglang sumulpot ang suspek at pinagbabaril ito na tinamaan sa mukha at katawan. Matapos ang pamamaril ay tumakas ang suspek sakay ng motorsiklo. Si Ting din ang may-ari ng Cebu Parklane International Hotel sa Cebu City. Ayon kay Chief Superintendent Lani-O Neres, pinuno ng Central Visayas Police, isang task force ang binuo para lutasin ang pagpatay kay Ting, at maging ang pananambang sa kapatid nitong si Nicolas, 69-anyos. Nagtamo si Nicolas ng apat na tama ng bala sa katawan matapos siyang barilin ng mga suspek na nakasakay sa motorsiklo. Kasasakay pa lamang umano ng biktima sa kanyang kotse nang maganap ang krimen. Ngunit hindi katulad ni Nicolas na pinalad na mabuhay, sinabing hindi bababa sa 10 tama ng bala mula sa pinapaniwalaang 9-mm pistol ang pumasok sa katawan ni Manuel na kaagad nasawi sa pinangyarihan ng krimen. Inaalam pa ng pulisya kung magkaugnay ang nangyaring pananambang sa magkapatid, at kung ano ang motibo ng mga suspek. Kabilang sa anggulong sinisilip ng mga imbestigador ay away sa negosyo o personal na kaalitan. Inihayag ng mga kamag-anak ng biktima na wala silang alam na nakagalit ni Manuel. - GMANews.TV
More Videos
Most Popular