ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News
Halos 1 taon sa morge: Pinay na nasawi sa ospital naiuwi na sa pamilya
JEDDAH, Saudi Arabia â Makaraan ang halos isang taong paghahanap sa pamilya sa Pilipinas, naiuwi na sa Mindanao ang mga labi ng isang Pinay overseas Filipino worker (OFW) na nasawi sa ospital sa bansang ito. Ayon kay Aurelio Bea, nakatalaga sa Assistance to National Section ng Philippine Consulate sa Jeddah, nakilala na ang nasawing OFW ay si Rasmia Tuanadato, tubong Maguindanao. Sinabi ni Bea na makaraan ang halos isang taon na pamamalagi sa morge ng ospital, naiuwi na ang kanyang mga labi sa Pilipinas nitong ikalawang linggo ng Hunyo. Si Tuanadato ay binansagang âMiss X" dahil walang pagkakakilanlan na nakuha sa kanyang katawan nang mamatay siya sa emergency room isang pagamutan. Matapos maipalam ng mga kapwa OFW sa konsulado ang sinapit ni âMiss X," agad na kumilos ang pamahalaan para alamin ang kanyang pagkatao at matukoy ang kanyang pamilya sa Pilipinas. Aminado si Bea na hindi naging madali ang paghahanap nila sa pamilya at pagkilala kay âMiss X." Nakilala umano ang OFW sa pamamagitan ng ipinakalat na larawan niya sa ibaât-ibang lalawigan sa Pilipinas. Laking tuwa umano ni Bea nang isang nagpakilalang anak ni âMiss Xâ sa Maguindanao ang kumilala sa larawan at tumukoy ang kanyang pagkatao. Matapos mabayaran ng konsulado ang mga gastusin sa ospital kasama na ang matagal na pananatili sa morge at mga dokumentasyon, sa wakas ay naiuwi na rin ang mga labi ni Taunadato. âNakakagaan ng loob na makita nating makapiling ng kanyang pamilya ang kanilang nawawalang kaanak kahit na ito ay patay na. Akala ko ay hindi na maiuuwi si Miss X sa Pilipinas. Naniniwala pa rin ako na may solusyon pa rin sa huli," pahayag ni Bea sa GMANews.TV. Si Bea ang namamahala at nag-aasikaso sa mga nasasawing OFW sa sa buong Western Region. Dahil sa sinapit ng mga labi ni Taunadato, nanawagan si Bea sa mga kapwa Pinoy na huwag matakot na kilalanin o alamin ang pagkakakilanlan ng mga kababayan na makikitang nasawi. Nilinaw ni Bea na hindi dapat matakot ang mga Pinoy na ipaalam sa konsulado ang katauhan ng pumanaw na kababayan lalo na kung wala naman silang kinalaman sa pagkamatay nito. âKawawa naman ang pamilya ng mga namatay kung sakaling hindi nila makikita ito. Hindi naman kayo makukulong kung sasabihin niyo sa amin ang kanilang pagkakakilanlan," pakiusap niya. - Ronaldo Z. Concha, GMANews.TV
More Videos
Most Popular