Suspek sa pagpatay sa dating gobernador ng Cagayan inabsuwelto
Inabsuwelto ng isang korte ang umano'y tagapayo ng National Democratic Front (NDF) kaugnay sa pagpatay kay dating Cagayan Governor Rodolfo Aguinaldo at isang tauhan nito noong 2001. Sa ipinalabas na hatol nitong Biyernes, inutos sa pulisya ni Judge Jezarene Aquino ng Regional Trial Court-Branch 5, na palayain si Randy Felix Malayao kung wala ng ibang kaso na nakabinbin sa kanya. Si Malayao ay sinasabing tagapayo sa NDF at tagapagsalita ng NDF-Northeast Luzon, na kilala umano sa alyas na Salvador Del Pueblo. Dinakip si Malayao ng mga operatiba ng pamahalaan noong 2008 matapos isangkot sa pagpatay kay Aguinaldo at sa tauhan nitong si Joey Garro na naganap noong Hunyo 2001. Kasamang akusado ni Malayao sa kaso sina NDF chairman Jose Maria Sison, Felix Robregado, Gerald Mendoza, Victor Servidores, Evangeline Rapanut, Wilfredo Valencia, Victor Tesorio, Manuel Columbano at iba pang âJohn Does." Sa kabila ng hatol ni Aquino, hindi naman kaagad makakalaya si Malayao dahil mayroon pa umano itong kinakaharap na hiwalay na kasong pagpatay sa Isabela. Kumpiyansa naman si Malayao na katulad sa kaso ni Aguinaldo ay mapapawalang-sala din siya. - GMANews.TV