ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Rebolusyon na iminarka sa buhok


Kilala niyo ba kung sino ang katipunero na sinasabing hindi nagpagupit ng buhok para magsilbing palatandaan niya sa tagal ng pakikipaglaban niya sa mga dayuhang mananakop? Sa kanyang taas na 5’3," naging marka ng batang Tundo na si Heneral Macario Leon Sakay ang mahaba niyang buhok kahit pa dati siyang barbero bago maging kasapi ng Katipunan. Sinasabing nagpasya si Sakay na huwag putulin ang buhok upang magsilbing paalala sa tagal niya sa pakikidigma at hanggang hindi nakakamit ng Pilipinas ang kalayaan sa mga Kastila. Subalit matapos malampasan ang pakikidigma sa mga Kastila, nagpatuloy pa rin ang pakikidigma ni Sakay laban naman sa puwersa ng mga Amerikano na nagsimulang sakupin ang Pilipinas noong Agosto 1898. Ang mahabang buhok na naging palatandaan niya sa tagal ng pakikidigma sa mga Kastila ang ginamit namang propaganda laban sa kanya ng Amerika. Inakusahan siya at ang kanyang mga tauhan na mga bandido at hindi tunay na rebolusyunaryo. Sa kabundukan ng Rizal, itinatag ni Sakay ang “Republika ng Tagalog" noong 1902, kung saan itinalaga niya ang sarili bilang presidente, at pangalawang pangulo niya si Francisco Carreon. Idineklara ni Sakay ang kanyang “gobyerno" na tunay na puwersa ng mga rebolusyonaryo laban sa US. Sa kabila ng malaking puwersa ng Amerika, hindi nila nagawang magapi at madakip si Sakay. Taong 1905 nang magpadala ng emisaryo ang mga kano kay Sakay at nag-alok sa kanyang tropa ng amnestiya. Tiniyak ng emisaryo na hindi ikukulong ang tropa ni Sakay kapalit ng kanilang pagsuko. Naniwala si Sakay sa emisaryo at bumaba sila ng kabundukan noong Hulyo 1906 upang dumalo sa isang pagtitipon sa Cavite. Ngunit sa naturang pagtitipon ay dinakip si Sakay at kanyang mga kasamahan ng puwersa ng mga Amerikano. Pinaratangan silang bandido na sangkot sa iba’t-ibang uri ng krimen at ikinulong. Sa paglilitis, hinikayat umano si Sakay ng emisaryo na maghain ng “guilty" plea upang bigyan siya ng amnestiya at palalayain. Subalit hindi ito sinunod ni Sakay at nanindigan na sila ay rebolusyunaryo kasabay ng paghahain ng “not guilty" plea sa akusasyon na sila ay mga bandido. Hinatulan ng korte si Sakay at opisyal niya na si Lucio de Vega na “guilty" sa kasong pagiging bandido. Isang umaga noong Setyembre 1907 ay binitay si Sakay sa kabila ng malakas na pakiusap mula sa prominente at ordinaryong Pilipino na bigyan sila ng amnestiya. Kabilang si Sakay sa mga huling heneral ng Katipunan na "sumuko" sa puwersa ng Amerika. - Fidel Jimenez, GMANews.TV

Tags: pinoytrivia