ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

PAL flights apektado ng bagyo; mga pasahero pwedeng tumawag sa PAL hotline


MANILA – Apektado ang pagdating at pag-alis ng mga eroplano ng Philippine Airlines (PAL) nitong Martes ng gabi at Miyerkules ng umaga dahil sa bagyong si "Basyang" (international codename: Conson). Sa ipinalabas na pahayag ng airlines nitong Martes, 14 na domestic at international flights na parating sana ng Maynila ang kinansela nitong Martes ng gabi. Kinansela na rin ang paglipad ng mga eroplano sa Manila sa Miyerkules ng umaga hanggat hindi umano dumarating ang mga eroplano ng PAL na kinansela ang paglapag nitong gabi ng Martes. Ang kinanselang domestic flights ay magmumula sa Bacolod (3 flights – PR138, PR158 & PR160), Zamboanga (2 flights – PR126 & PR128), Puerto Princesa (PR198), Cebu (PR864), Kalibo (PR326), Iloilo (PR148) at Davao (PR822). Kanselado naman ang pagdating ng international flights na manggagaling sa Hong Kong (2 flights – PR307 & PR311), Singapore (PR512) at Seoul/Incheon (PR469). Natuloy naman ang paglipad ng mga eroplano mula sa Maynila patungo sa kanilang mga destinasyon nitong Martes ng gabi, ayon sa pahayag ng PAL. "The aircraft of these flights are to remain overnight at their respective destinations to await improvement of weather in Manila tomorrow (Miyerkules) morning," ayon sa pahayag. Pinayuhan ng PAL ang mga pasahero na nakatakdang sumakay sa Miyerkules ng umaga na huwag ng magtungo sa paliparan at sa halip ay hintayin na lamang ang ipalalabas na abiso ng PAL. Maaari ring tawagan ang mga apektadong pasahero sa PAL hotline na 855-8888 para sa schedule updates.
For the latest Philippine news stories and videos, visit GMANews.TV ‘Basyang’ mabilis Sa isinagawang pulong balitaan naman nitong Martes, sinabi ni Prisco Nilo, director ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), na mabilis ang pagkilos ni "Basyang" at posibleng makalabas na ito sa teritoryo ng Pilipinas sa Miyerkules ng gabi. Dahil sa bilis ng pagkilos ni ‘Basyang,’ inaasahan ni Nilo na hindi ito makapagdudulot ng matinding tubig pagdaan sa Metro Manila. "Iyong Marikina River, Laguna de Bay, and the Pasig River, hindi siguro mago-overflow dahil mabilis ang takbo ng bagyong ito," pahayag ng opisyal. Si ‘Basyang’ ay namataan sa 40 km north-northeast ng Daet, Camarines Norte, taglay ang pinakamalakas na hangin na 120 kph malapit sa bigna at pagbugso na hanggang 150 kph. Inaasahang na tatama sa kalupaan ng northern Quezon-Aurora area si 'Basyang' dakong 9 p.m. hanggang 11 p.m. sa Martes. Mararamdaman din ang lakas ng bagyo sa central Luzon bago tuluyang tahakin ang South China Sea sa Miyerkules ng umaga. Storm Signals Hanggang nitong Martes ng hapon, nakataas ang Storm Signal Number 3 sa Aurora, Northern Quezon, kasama ang Polilio Island, at Camarines Norte. Samantala, ibinaba na sa Signal No. 2 ang Catanduanes na unang nakalagay sa Signal No. 3. Nakataas din ang Signal No. 2 sa: - Isabela - Nueva Viscaya - Nueva Ecija - Quirino - Bulacan - Rizal - Laguna - Southern Quezon - Marinduque - Camarines Sur - Catanduanes Nakataas naman ang Signal 1 sa: - Cagayan - Kalinga - Mt. Province - Ilocos sur - La Union - Benguet - Ifugao - Pangasinan - Tarlac - Zambales - Pampanga - Bataan - Cavite - Batangas - Albay - Metro Manila Dahil sa bagyo, kinansela nitong Martes ng umaga ang pasok sa elementarya at pre-school sa mga pampubliko at pribadong paaralan sa Metro Manila. - FRJimenez, GMANews.TV