Pondong inutang para sa ospital ng Bulacan iimbestigahan
MALOLOS CITY â Tiniyak ni Bulacan Governor Wilhelmo Sy Alvarado na ipagpapatuloy nila ang imbestigasyon para alamin kung saan napunta ang P80 milyon pondo na inutang ng nakaraang liderato para tustusan ang pangangailangan ng pagamutan sa lalawigan. Sa kanyang State of the Province Address (SOPA) nitong Huwebes, sinabi ni Alvarado na umutang ang nakaraang liderato ng P100 milyon sa Land Bank of the Philippines upang gamitin sa modernisasyon ng mga gamit para sa Bulacan Medical Center (BMC) at Provincial Hospital. Ang naturang pag-utang ay may pahintulot umano ng nagdaang Sanggunian Panlalawigan kung saan ang mayorya ng miyembro ay kaalyado ng dating liderato. â(Pero) matapos makapag-release ng mahigit P80-milyon ang Land Bank sa kapitolyo, wala pa ring magamit ang mga pasyente ng ipinangakong makabagong kagamitan," pag-akusa ni Alvarado. Samantala, kasama umano sa magiging prayoridad ng kanyang liderato ay mapahusay ang serbisyong pangkalusugan sa lalawigan sa pamamagitan ng pagkuha ng karagdagang nurses at mga medical personnel sa BMC. Pinuna ni Alvarado na hindi na sapat ang kasalukuyang bilang ng mga nurse at medical personnel sa pagamutan. Malayo umano ang bilang ng pamantayan na isang nurse para sa 20,000 mamamayan sa ngayon. Plano rin niya na magdagdag ng bilang ng mga duktor at laboratory technician sa mga pampublikong pagamutan sa lalawigan upang matugunan ang pangangalanan ng emergency cases kahit sa gabi. - GMANews.TV