ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Babaeng namuno sa unang pag-ambush sa tropa ng Hapon


Alam niyo ba na ang unang pagtambang na ginawa laban sa tropa ng mga Hapon sa Pilipinas noong panahon ng digmaan ay pinangunahan ng isang babae na mas kilala sa kanyang alias bilang si Kumander Dayang-Dayang? Si Kumander Dayang-Dayang ay si Felipa Culala, tubong Candaba, Pampanga. Siya ang ang unang “amasona" na namuno sa isang guerrilla unit ng Hukbo ng Bayan Laban sa Hapon (Hukbalahap) sa kanyang lalawigan. Nagsilbing commander-in-chief ng hukbo si Luis Taruc, at miyembro naman ng komite sina Casto Alejandrino; Bernardo Poblete, alias Tandang Banal, at si Dayang-Dayang. Kasama ang tinatayang 100 guerilla na karamihan ay mula sa hanay ng mga magsasaka, tinambangan ng tropa ni Dayang-Dayang ang mga sundalong Hapones at ilang kaalyadong mga Pinoy sa Central Luzon noong Mayo 1942. Naging matagumpay ang pag-atake ni Dayang-Dayang at ito na ang naging hudyat ng pakikidigma ng Hukbalahap laban sa mga Hapon na sumakop sa Pilipinas sa loob ng tatlong taon. Ngunit isang taon makaraang ang makasaysayang pag-ambush ni Dayang-Dayang sa puwersa ng Hapon, inakusahan siya ng kanyang mga kasamahan ng katiwalian at pagmamalabis na naging dahilan para siya paslangin. - FRJImenez, GMANews.TV

Tags: pinoytrivia