ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

Noynoy ‘kinuryente’ sa laman ng kanyang SONA – Lagman


MANILA – Binigyan umano ng maling impormasyon ng kanyang mga tauhan si Pangulong Benigno “Noynoy" Aquino III, kaugnay sa mga alegasyon nito laban sa nagdaang administrasyon na naging laman ng kanyang State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes. Sa talumpati ni House minority leader Rep. Edcel Lagman nitong Martes para sa kanyang “kontra-SONA," sinabi ng kaalyado ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo, na walang basehan at mali ang mga datos na nakuha ni Aquino tungkol sa nauubos na pondo ng gobyerno, nabubulok na bigas at naglalakihang bonus. “With all of the inordinate inaccuracies in the facts and figures cited to in the SONA, it is obvious that the President was fed wrong information by assistants and some members of the Cabinet. Nakuryente ang Presidente despite the fact that his SONA was not electrifying," ayon kay Lagman. (Basahin: Kontra-SONA ni House Minority Leader (Albay) Rep. Edcel Lagman) Tinawag ni Lagman ang SONA ni Aquino na, “bitin, kulang at kapos. Ano naman ang susuportahan ng Minorya kung walang binigkas na maliwanag na programa ang Pangulo? Just like a tele-novela: abangan ang susunod na kabanata. Talagang bitin." Iginiit ng kongresista na sa halip na “blueprint for development and policy direction" ang maging laman ng talumpati ni Aquino, ang SONA umano ay nagsilbing daan para magreklamo ang bagong pangulo at tila walang katapusan na pangangampanya. Dahil sa mga maling impormasyon ng kanyang mga opisyal, nagpasaring si Lagman sa naging apela ni Aquino sa mga magiging kasapi ng Commission on Appointments na huwag pahirapang lumusot ang kanyang mga itinalagang opisyal. “Not realizing that he was given wrong data, false statistics and flawed analyses, he still appealed to Congress that these errant appointees should breeze through the Commission on Appointments. This is shockingly aggravating," ayon sa lider ng minorya. Bukod sa pagbibigay ng maling impormasyon, lumilitaw din umano na hindi naiintindihan ng mga opisyal ni Aquino ang paggamit ng Calamity fund, na batay sa talumpati ng pangulo ay halos ubos na. Wala rin umanong katotohanan na pinabayaan ni Arroyo, kongresista ngayon ng Pampanga, ang lalawigan ng Pangasinan kaugnay ng ipinakaloob na suporta mula sa pondong inilaan para sa kalamidad. “The comparison with Pangasinan which reportedly got only P5 million from the Calamity Fund is obviously misleading as other rehabilitation projects in Pangasinan were adequately funded from other budgetary sources like the outlay for public works," aniya. “These misleading statements are aggravated by a lack of understanding of the utilization of the Calamity Fund. The President is of the impression that the fund is limited to current year calamities. It is not. It also covers rehabilitation projects necessitated by prior years’ calamities and pre-calamity preparations," paliwanag pa ni Lagman. Dahil sa kawalan ng malinaw na programa ng bagong administrasyon, hinihinala ni Lagman ay nais ni Aquino na ang Kongreso ang pupuno sa kanyang mga pagkukulang para hindi mabato ng sisi ng mga tao sakaling hindi magtagumpay ang gobyerno. “I have been cautioned to go slow on the SONA because President Aquino enjoys a tremendously high approval rating. But when the Emperor wears no clothes, can I honestly tell you that his robe is regal and majestic?" ayon kay Lagman. - GMANews.TV