ADVERTISEMENT
Filtered By: Topstories
News

‘Domeng’ bagyo na; 5 lugar isinailalim sa Signal No. 2


MANILA – Ganap nang naging bagyo ang Tropical depression na si "Domeng" matapos sumama sa low pressure area na nasa silangan ng Batanes. Bunga nito ay isinailalim sa Storm Signal No. 2 ang limang lugar sa Luzon. Sa ulat na ipinalabas ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong hapon ng Miyerkules, si "Domeng" ay namataan 430 kilometro sa silangan ng Basco, Batanes. Taglay ni “Domeng" ang pinakamalakas na hangin na 65 kph malapit sa gitna at pagbugso ng hanggang 80 kph. Kumikilos ito patungong kanluran sa bilis na 19 kph. Inaasahan na ang bagyo ay nasa 40 km silangan ng Basco, Batanes sa Huwebes ng hapon, at 400 km kanlungan ng Basco, Batanes sa Biyernes ng hapon. Nakataas ang Signal No. 2 sa: - Cagayan - Babuyan Islands - Calayan Islands - Isabela - Batanes Group of Islands Signal No. 1 naman sa: - Nueva Ecija - Aurora - Quirino - Nueva Viscaya - Ifugao - Benguet - Mt. Province - Pangasinan - Kalinga - Abra - Apayao - La Union - Ilocos Provinces "Tropical Storm Domeng has enhanced the southwest monsoon that will generate moderate to rough seas as well as bring rains which may also trigger flashfloods and landslides in other areas of the country," ayon sa PAGASA. Ipinaliwanag naman ni Manny Mendoza, weather forecaster, sa isang panayam sa radyo, na ang nararanasang pag-ulan sa Metro Manila at karatig lugar ay hindi dulot ni "Domeng" kundi ng hanging habagat. "Actually kung ang pag-uusapan ay ang bagyo, malayo pa po. Pero ito ay nag-e-enhance ng hanging habagat sa southern Luzon, Visayas and Mindanao, lalo na ang kanlurang bahagi," paliwanag niya. - GMANews.TV