Isinabay sa libing ng ama: Vice Mayor sa Batangas sugatan, bodyguard patay sa ambush
Sugatan ang bise alkalde ng Talisay, Batangas, habang nasawi naman ang kanyang bodyguard nang pagbabarilin ito ng mga hindi nakilalang suspek habang inililibing ang ama ng lokal na opisyal nitong Sabado ng tanghali. Batay sa ulat ng dzBB radio, dakong 11:30 am nang maganap ang pananambang kay Vice Mayor Florencio Manimtim Jr., na itinaon habang inililibing ang pumanaw nitong ama sa Municipal Cemetery sa Barangay Poblacion. Sa hiwalay na panayam sa telepono ng GMANews.TV kay Police Officer Catherine Castillo ng Talisay police, kinilala nito ang nasawing bodyguard na si Arnold Mariquet. Si Manimtim ay dating alkalde ng Talisay bago siya nahalal na bise alkalde. Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring krimen. Umaasa ang mga awtoridad na makakakuha sila ng testigo na kikilala sa mga suspek dahil maraming tao nang maganap ang pananambang. Sinabi sa ulat ng dzBB na nakatanggap ng banta sa buhay si Manimtim noon pa mang panahon ng kampanya kaya ito binigyan ng bodyguard. â GMANews.TV