Filtered By: Topstories
News

Most wanted criminals sa Laguna nasa Facebook na


Gumawa ng Facebook account ang pulisya ng Laguna – ngunit hindi para magkaroon ng maraming “friends" – kundi para mahuli ang pinaghahanap na most wanted criminals sa kanilang lalawigan. Ayon kay Laguna police chief Senior Superintendent Gilbert Cruz, nais nilang samantalahin ang dumadaming bilang ng mga Pilipino na gumagamit ng sikat na social networking site para nakatulong sa paghahanap sa mga kriminal. Umaasa ang opisyal na makakakuha sila ng impormasyon sa publiko kapag nakita nila ang larawan ng mga taong nagtatago sa batas.

Umaasa ang Laguna PNP na makatutulong ang Facebook para mahuli ang mga pinaghahanap na kriminal sa kanilang lalawigan. GMANews.TV
Sa ngayon, may 1,942 na ang “nag-like" sa fan page na Laguna Most Wanted Criminals. Marami sa komento ang positibo at pumuri sa ginawang proyekto ng Laguna PNP. Nakalagay ang larawan (ngunit hindi lahat) ng mga pinaghahanap na kriminal batay sa munisipalidad kung saan nakasampa ang kanilang kaso. Makikita rin ang larawan ng mga itinuturing most wanted sa buong Pilipinas. Ang mga may impormasyon sa makikitang larawan ay maaaring tumawag sa numero bilang 049-8101226 o 0921-9048838. Puwede ring magpadala ng mensahe sa lagunapoliceprovincialoffice@yahoo.com. - GMANews.TV
Tags: facebook, laguna